NANUMPA kamakailan kay Mayora Abby Binay ang mga bagong halal na opisyal ng 10 barangay na inilagay ng Korte Suprema sa ilalim ng hurisdiksiyon ng Taguig.
Kasama nila sa mass oath-taking na ginanap sa Makati City Hall ang mga bagong opisyal ng Sangguniang Kabataang (SK) sa nasabing mga barangay.
Nasa 140 na bagong halal na barangay chairpersons at kagawad, at SK chairpersons at kagawad mula sa Cembo, Comembo, East Rembo, Pembo, Pitogo, Post Proper Northside, Post Proper Southside, South Cembo, West Rembo at Rizal ang sumama sa panunumpa.
Ipinahayag ni Mayora Abby ang kaniyang pasasalamat sa mga lokal na opisyal sa kanilang dedikasyon at katapatan sa Makati at sa Proud Makatizens.
Aniya, natutuwa siyang makita ang tapang at katapatan ng mga opisyal na ipakita ang kanilang kumpiyansa at tiwala sa kaniyang pamumuno na pangunahing pinapahalagahan ang pagpapabuti sa kalidad ng buhay ng Proud Makatizens.
Nanawagan din siya sa mga bagong halal na opisyal na paglingkuran nang maayos sa abot ng kanilang makakaya ang kanilang nasasakupan bilang kapalit ng tiwala na ibinigay sa kanila ng Makatizens.
Ang 10 barangay kapitan na nanumpa kay Mayora Abby ay sina Romeo Millo (Cembo), Edgardo Cleofas (Comembo), Thelma Ramirez (East Rembo), Richard Pasadilla (PP Northside), Kim Abbang (Pembo), Ives Ebrada (Pitogo), Arnold Cruz (Rizal), Eva Omar (South Cembo), Quirino Sarono (PP Southside), at Niño Cunanan (West Rembo).
Ang mga bagong halal na SK chairpersons na piniling manumpa sa harap ni Mayora Abby ay sina Jeanne Paul Cadapan (Cembo), Breanne Peralta (Comembo), Shane Clarence Agoot (East Rembo), Joshua Daniel Espejo (PP Northside), Stump Sison (Pembo) , Cris Justin Ramis (Pitogo), Kyla Dorio (Rizal), Gwyneth Bravo (South Cembo), Francis John San Vicente (PP Southside), at Jeremiah Baniqued (West Rembo).
Noong Oktubre, naghain ang alkalde ng urgent motion for clarification with a prayer for the issuance of a status quo ante order kaugnay sa 10 barangay. Ang mosyon na ito ay naglalayong mapanatili ang status quo habang naghihintay ng writ of execution upang matiyak ang isang maayos na transisyon ng mga serbisyo.