Mga biyahero na pauwi sa probinsiya, dagsa na sa ilang terminal sa QC

Mga biyahero na pauwi sa probinsiya, dagsa na sa ilang terminal sa QC

DAGSA na ang mga pasahero na magsisi-uwian sa kani-kanilang mga probinsiya sa isang terminal sa EDSA Cubao sa Quezon City.

Pero, maaari pa ring makabili ng ticket sa mga ordinaryong bus.

Marami-rami na rin kasing mga pasahero ang maagang nakabili na ng ticket ilang linggo ang nakalipas.

Ito ay upang hindi maubusan ng ticket pauwi sa probinsiya lalo’t ilang tulog na lamang ay Pasko na.

Inaasahan ng pamunuan ng bus terminal ang Christmas exodus ng mga pasahero simula mamayang hapon.

Tapos na kasi ang trabaho niyan tulad na lamang sa mga manggagawa sa gobyerno.

Dahil na rin sa inaasahang bulto ng pasahero, nagpakalat ng dagdag na security forces ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan tulad ng MMDA, LTFRB, LTO, at iba pa.

Inatasan din ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III ang mga kompanya ng bus at operator na siguruhing ligtas ang mga pasahero tuwing bibiyahe sa mga probinsiya ngayong Kapaskuhan.

Ayon kay Guadiz, dapat paigtingin ang mga road safety measure.

Kabilang na ang mahigpit na pagsunod sa traffic regulation, tamang maintenance ng mga bus, at komportable at maayos na bus para sa mga pasahero.

Nagbabala naman ang opisyal na maaaring patawan ng mataas na multa at pagsuspinde sa kanilang prangkisa kapag lumabag sa mga alituntunin ng LTFRB.

Samantala, higit 1,000 bus units na ang nabigyan ng special permit ng LTFRB para matiyak na may sapat na masasakyan ang publiko ngayong holiday season.

Ito ay epektibo simula Disyembre 15 hanggang Enero 14.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble