DAAN-daang mga operator mula sa iba’t ibang transport cooperative groups at korporasyon ang nagsama-sama sa Welcome Rotonda sa Quezon City, umaga ng Martes.
Ilan sa mga dumalong grupo ay ang United Transport Consolidation Entities of the Philippines, National Federation of Transport Cooperative na galing pa sa iba’t ibang probinsiya sa bansa.
Kabilang sila sa mga lumahok sa PUV modernization program ng gobyerno taon na ang nakalipas.
Panawagan nila kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na tuldukan o huwag nang palawigin pa ang PUVMP deadline sa katapusan ng Disyembre ng taon.
Giit ng mga grupo, maaapektuhan kasi ang usad ng mga kooperatiba na matagal nang niyakap ang naturang programa.
“That would be unfair to us, okay. We have been or the PUVMP has been started 5 years ago and marami na kaming modernized jeepneys 1,700 consolidated coops na and 70% na ‘yung consolidated nationwide kaya ano pa, o bakit iurong ‘yung extension ng deadline ng consolidation,” ayon kay Robert Cang, Vice Chairman, National Federation of Transport Cooperative-GenSan.
Sinabi pa ni Robert Cang, Vice Chairman National Federation of Transport Cooperative-Gensan, malaki ang benepisyo sa nasabing programa na napapakinabangan ng mga nasa sektor.
Kabilang ang social benefits, 13th Month Pay at Bonus na hindi aniya nakukuha ng mga tsuper sa traditional jeepney.
Bukod diyan, nais din nilang mabigyan ng maayos at kalidad na serbisyo ang mga pasahero.
“Tuldukan na ang extension na ito dahil ilang beses na po na na-extend tayo ‘yung pagmo-modernized ito po ay para sa ating mga mananakay, ito po ay para sa ating inang kalikasan dahil tayo po ay tinatamaan ng climate change,” dagdag ni Cang.
Pinabulaanan naman ni United Transport Consolidated Entities of the Philippines National Chairman Edmundo Cadavona ang ipinapakalat na maling impormasyon na malulugi umano ang mga operator at drayber.
“Hindi ako maniniwala kasi sa akin mismo may route 3.7 kilometers lang yung ruta ko and mayroon akong existing na 50 units meron pa akong upcoming na 40 units na nandiyan na ideliver ngayong araw. Paano nila masasabing malulugi na nakikita namin na kayang-kayang kumita doon,” ayon kay Edmundo Cadavona, National Chairman, United Transport Consolidated Entities of the Philippines.
Paliwanag niya, umaabot umano sa higit P70-K ang kinikita ng bawat unit kada buwan.
LTFRB, DOTr nanindigan na hindi na palalawigin ang deadline ng PUVMP Sa text message naman ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Teofilo Guadiz III kaugnay sa isyu.
Nilinaw nito na hindi na o wala ng mangyayaring extension sa PUVMP deadline sa Disyembre 31.
Kamakailan lamang ay naglabas na rin ng pahayag si Transportation Secretary Jaime Bautista ukol dito.
Binigyan diin ng kalihim na wala nang extension sa PUVMP modernization.
“The Department of Transportation (DOTr) stood firm on the December 31, 2023 deadline for the consolidation of Public Utility Vehicle (PUV) operators and drivers into cooperatives and corporations,” ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista.
Sa isang pahayag sinabi ni Bautista, mas magiging efficient ang operasyon ng transport sector kung papasok sa konsolidasyon ang mga operator.
“’Yung consolidation gagawin natin yan sa December 31 para mas maging efficient ang operations ng transport sector. Kasi kung mag-ooperate tayo individually, hindi masyadong magiging sustainable [ang operations],” dagdag ni Bautista.
Paglilinaw ng ahensiya na walang mangyayaring jeepney phaseout at makakabiyahe pa rin ang mga tsuper sa Enero 1, 2024 basta’t makapagsumite lamang petition for consolidation ang mga tsuper habang kinukumpleto ang mga technical document.
At matiyak na pasok pa rin sa roadworthiness ng LTO ang mga tradisyunal na jeep.