ITINUTURING ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na isa ang cyberattack sa sistema ng Department of Science and Technology (DOST) sa pinakamalaking insidente ng hacking na nangyari sa kasalukuyang administrasyon. Iyan ay matapos naapektuhan ang nasa 2 terabytes na datos ng DOST.
Pero bagama’t malaki ang apektadong datos ay hindi naman sensitibo ang mga ito ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Asec. Renato Paraiso.
Iyan ay kung ikukumpara sa datos na nakuha ng mga hacker sa sistema ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) noon.
Kabilang sa mga datos na nakuha mula sa DOST ay mga research proposal at invention ng mga scientist.
‘‘If we do a comparison po doon sa PhilHealth na hacking, maliit lang po comparatively, pero mas sensitive ‘yung data na na-hack sa PhilHealth because it involves sa personal data ng mga members. Maliit man ‘yung storage space pero significant ho,’’ pahayag ni Asec. Renato Paraiso, Department of Information and Communications Technology.
Mga ahensiya ng gobyerno, mas mainam na komunsulta sa DICT para sa mga bibilhing sistema
Isa sa dahilan kung bakit na-hack ang sistema ng DOST ayon kay Paraiso ay dahil ‘outdated’ o nalipasan na ito ng panahon kung ikukumpara sa ginamit ng mga hacker.
Kaya payo ng opisyal sa mga ahensiya ng gobyerno ay komunsulta sa DICT sa mga sistemang bibilhin.
‘‘We encourage our counterparts in government to be forward looking. At tsaka upgradeable whatever they procure, the systems they procure. They have to be thinking two years-time. Applicable pa rin siya o hindi siya magiging obsolete,’’ ayon kay Asec. Paraiso.
Sa ngayon may partial access na ang DICT sa sistema ng DOST.
Sa panahon na magkaroon na ng full access, tsaka na magsasagawa ng mas malalim na imbestigasyon sa nangyaring hacking incident.
Publiko, wala dapat ikabahala sa nangyaring cyberattack sa sistema ng DOST—DICT
Kung may dapat bang ikabahala ang publiko sa nangyaring pangha-hack, ito ang naging tugon ng DICT.
‘‘There is certainly a cause for the people na magkaroon ng pakialam, the people to be aware what is happening. Pero to the extend na dapat silang mabahala, hindi naman siguro at mag-alala. Again, we have a working DICT,’’ saad pa ni Paraiso.