Mga eskwelahan at mga magulang, pinag-iingat laban sa CPP-NPA-NDF

Mga eskwelahan at mga magulang, pinag-iingat laban sa CPP-NPA-NDF

PINAG-iingat ng grupong Yakap ng Magulang ang lahat ng paaralan, mga guro at mag-aaral na iwasan at huwag magpadala sa mga matatamis na pananalita ng grupong CPP-NPA-NDF ngayong magbubukas nang muli ang klase sa bansa.

Nakiusap ang nanay na si Relissa Lucena, presidente ng anti-communist group Yakap ng Magulang, sa mga magulang, grupo, at estudyante sa buong bansa na maging mapagmatyag sa mga posibleng pagkilos ng mga miyembro ng CPP-NPA-NDF sa mga paaralan ngayong magpapasukan na.

Sa panayam ng SMNI News sinabi ni Lucena na matatalino ang mga NPA at gagawa sila ng paraan para muling makapanlinlang ng mga bibiktimahing kabataan para sa kanilang kilusan.

“Ako po ay nakikiusap sa lahat ng mga magulang o guardians ng ating mga anak, bantayan po natin ang ating mga anak and be wise sa lahat ng pagkakataon,” pahayag ni Lucena.

Sa katunayan, matapang na pinangalanan ng grupo ni Lucena ang ilan sa mga nagpapanggap aniya na lehitimong progresibong grupo para makapasok sa mga eskwelahan at gawin doon ang kanilang illegal recruitment activities.

“Mga guro na kasapi sa ACT-Teachers Partylist  at the same time ang Gabriela Youth doon po sa loob ng eskwelahan, unibersidad at mga kolehiyo. Huwag po nating hayaan, bigyan natin ng babala, ‘yun palang paalalahanan natin ang lahat ng ating mga anak na huwag sasali sa mga recuitment ng CPP-NPA Front Organization tulad ng Anakbayan, LSS at iba pang front diyan sa loob ng eskwelahan na nagpapanggap na lehitimong organisasyon. Dahil ito po ay simula ng kanilang radikalisasyon at indoktrinasyon,” ayon kay Lucena.

Sa kanyang pagbabalik-tanaw, nais ni Relissa na hindi na maulit pa ang naranasan ng kanyang pamilya na nawalan ng kaisa-isang anak dahil inagaw, nilinlang at niloko ng mga NPA na ngayon ay kinikilalang magulang ng kanyang sariling anak.

Isang mapait aniya na katotohanan kung gaano kasama ang CPP-NPA-NDF.

“Tulad po nang nangyari sa anak ko, nanghihinayang po ako sa magandang kinabukasan sana na mayroon si AJ (Lucena), pero ngayon po ay nasira po ang buhay niya, nasira ang pangangatawan niya at hindi ko alam kung nasaan siya ngayon. Huwag niyo pong hayaan na matulad sa inyo ‘yung pamilya namin,” ayon kay Lucena.

Babala pa nito sa mga magulang, kaunti lang na pagkakamali aniya ng mga ito kapalit ng buhay ng mga kabataang musmos sa mga mapang-akit na salita ng mga makakaliwang kilusan saka tuluyang iiwan ang maganda sanang kinabukasan.

“Pagtulungan po natin ito, na labanan ang recruitment ng front organization. Andito po sila, nagtatrabaho 24 hours itong mga CPP-NPA para makuha lang mga anak natin. Sa maliit na pagkakataon na ibibigay natin sa kanila, pwede po nilang nakawin ang mga bata mula sa pamilyang Pilipino. Huwag po natin silang hahayaan at mas maging equip po tayo sa kaalaman para hindi po tayo malinlang bilang mga magulang,” ani Lucena.

Kasunod ng panawagan ng Yakap ng Magulang sa bawat pamilyang Pilipino ay ang pangako rin ng kanilang grupo na makikiisa sila sa mga programa ng pamahalaan gaya ng NTF-ELCAC para imulat ang lahat sa mga kasamaang ginagawa ng CPP-NPA-NDF sa bansa, ilang dekada na ang nakakaraan.

 

Follow SMNI News on Twitter