Mga Filipino scientist na naka-base abroad at nagbabalik-bansa, daan-daan na—DOST

Mga Filipino scientist na naka-base abroad at nagbabalik-bansa, daan-daan na—DOST

NAGBIGAY-daan ang maayos na suporta mula sa pamahalaan para sa pag-uwi ng daan-daang Filipino scientist sa Pilipinas upang makaambag para sa national development ng bansa.

Tuluy-tuloy ang mga ginagawang hakbang ng gobyerno upang mapabuti at mapaunlad ang Science and Technology at Research and Development sa Pilipinas, ayon sa Department of Science and Technology (DOST).

Kabilang na rito ang paghikayat sa mga Filipino scientist na nasa ibang mga bansa na bumalik sa Pilipinas upang ibahagi ang kanilang expertise.

Epektibo ayon kay Undersecretary for Research and Development Leah Buendia ang programang Balik Scientist ng gobyerno kung saan daan-daang Filipino scientist na ang umuwi sa bansa.

“Marami pang ibang bumalik at stayed for good,” pahayag ni Leah Buendia, Research and Department of Science and Technology.

“So far since 1975, mayroon na tayong 700 na balik scientist and nagpupursue pa tayo ng iba pa para makabalik. Since 2018, nasa mga maybe 300 or 400,” pahayag pa ni Buendia.

Naging daan ayon kay Buendia ang pagsasabatas sa Republic Act (RA) 11035 o ang Balik Scientist Act noong Hunyo 2018 upang mas dumami pang Filipino scientist ang maengganyong bumalik sa bansa.

Dahil dito aniya, nabibigyan ng competitive benefits ang mga nagbabalik na Filipino scientists tulad ng daily subsistence allowance, health insurance, at round trip airfare.

Bukod sa Balik Scientist Program, nakahikayat din ang S&T Fellows Program para manatili ang ating mga scientist sa bansa kung saan ay nabibigyan sila ng mas malaking sahod.

“’Yung S&T Fellows, binibigyan namin sila ng mas mataas na salary. Halimbawa natapos sila ng PHD iaassign namin sila sa isang research and development institute at binibigyan namin sila ng mas mataas na salary kaysa doon sa regular na position. At pagkatapos ay makakapaggawa pa sila ng research,” dagdag ni Buendia.

Matatandaan na mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na ang humiling sa mga Pinoy scientists na huwag nang mangibambansa at manatili na lamang sa Pilipinas.

Siniguro ni Pangulong Marcos sa kanila ang maayos na suporta mula sa pamahalaan kung sila ay mananatili sa bansa.

Follow SMNI NEWS in Twitter