MARAMI sa ating mga kababayan ang nag-aabang sa kung ano ang magiging resulta sa ginagawang pagdinig ng Senado sa isyu ng PDEA leaks kung saan sangkot si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa mga social media platforms, mababasa mo sa komento ng mga kababayan natin na pabor sila sa ipinapakitang katapangan ni former PDEA agent Jonathan Morales.
Batid nilang hindi madali ang labang kinakaharap ni Morales lalo’t damay ang Pangulo ng bansa sa isyu na kaniyang kinasasangkutan.
Kung merong pabor, normal lang din na may mga umaalma na sa nangyayaring pagdinig dahil para sa kanila – sayang lang daw ang oras na iginugugol ng komite ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa para talakayin ito.
Ilan sa mga kritiko ng PDEA leaks hearing sa Senado ay may hawak pang posisyon sa gobyerno – tulad ng mambabatas na kumukwestiyon sa pagdinig ng Senado.
Ngunit para kay former PDEA agent Jonathan Morales, lahat ng bumabatikos at nagsasabing pag-aaksaya lang ng oras ang pag-imbestiga ng Senado sa PDEA leaks ay siguradong nabayaran.
Sa eksklusibong panayam ng SMNI News kay Morales, sinabi niya na dahil sa ginawang imbestigasyon sa Senado ay apektado ang Malakanyang kaya siya nakararanas ng pananakot.
“Ito yong nagpapatunay na talagang apektado ang Palasyo ng Malakanyang kaugnay don sa ginagawang imbestigasyon sa Senado kaugnay nung PDEA leaks at ito ‘yong negosasyon sa planong pagpapatahimik sa akin na ‘wag nang magsalita at ito ay may kaakibat na pananakot na ako ay papatayin di ba,” pahayag ni Jonathan Morales, Ex-PDEA agent.
Sinabi pa ni Morales na kung hindi apektado si Pangulong Marcos kaugnay sa isyu ay hindi papalag ang Kongreso, maging ang mainstream media.
“Dito na uuga ang administrasyon ni Pangulong Marcos dahil dito sa reaction ng pangulo kasi kung hindi sila nauuga jan hindi magsasalita ang Kongreso at walang maninira sa akin sa Kongreso at ‘yong media hindi nila gagamitin lalo na ‘yong mainstream media hindi nila gagamitin ‘yan para siraan ako kaya sila gumagawa ng ganun dahil talagang nauuga sila,” dagdag ni Morales.
Aniya maging ang pagsupil sa malayang pamamahayag at ang paglitaw ni alyas Pikoy ay palatandaang pinondohan ito ng gobyerno.
“Yon ang indicator ngayon talagang may pondo, may pondo sa pagsu-suppress ng katotohanan at may pondo dun sa pagpapamulat ng taong bayan, may pondo dun sa paglabas nitong si Pikoy,” aniya.
“Alam nyo hindi naman nakapagtataka ‘yan eh ‘yun ang trabaho ng isang action agent once na magkaroon ng failure doon sa operation merong may mga plan A, Plan B, Plan C, incase na ma burn out masunog ‘yong trabaho merong mga diversionary tactics na ginagawa kaya hindi na bago ‘yan, ‘yong ginawa ni Pikoy” dagdag nito.
Sa huli sinabi ni Jonathan Morales na hindi siya ang jukebox na kung huhulugan ng barya ay kakanta kundi ang kasalukuyang administrasyon dahil ginamit aniya nito ang lahat ng resources para patahimikin ang mga nagsasabi ng katotohanan.
“(Hindi ikaw ang jukebox kundi ang administrasyon?) Ang administrasyon sila, sila ‘yan tignan mo magisa lang ako, sila tignan nyo, ang ginamit na nila ang resources ng gobyerno, sama-sama pa sila, kung titignan nyo sino-sino ba itong mga ito, ito yong mga nakikinabang sa administrasyon,” ayon pa kay Morales.