PINAPAYUHAN ng Quezon City Police District (QCPD) ang lahat ng guwardiya sa mall na iwasan ang pagsusuot ng Santa costume gaya ng Santa hat.
Ayon kay QCPD Spokesperson PCapt. Febie Madrid, mas mainam anila na security uniform pa rin ang gamitin ng mga guwardiya para maiwasang malito ang mga mamimili sakaling may isusumbong ito na banta sa seguridad ng publiko.
Ayon sa pulisya, posibleng mag-alangan ang mga mamimili sa pag-report ng mga krimen dahil walang pagkakakilanlan ang mga security guard.
Sa kabilang banda, nakadepende pa rin aniya ito sa ahensiya na may hawak sa mga guwardiya kung pahihintulutan nila ang nasabing ideya ngayong Kapaskuhan.
Tuloy naman aniya ang kanilang police visibility sa mga places of convergence gaya ng mall, simbahan, terminals, at parke para maiwasan ang anumang kriminalidad.