Mga hindi lisensyadong paputok at pailaw sa Bulacan, pinagkukumpiska ng DTI

Mga hindi lisensyadong paputok at pailaw sa Bulacan, pinagkukumpiska ng DTI

SUPRESANG ininspeksyon ng Department of Trade and Industry (DTI) ang ilang tindahan ng paputok at pailaw sa Bocaue, Bulacan.

Tumambad sa DTI ang mga hindi lisensyadong produkto na mapanganib gamitin ngayong pasko at bagong taon lalot hindi dumaan sa pagsusuri ng ahensya.

Mula sa probinsya ng Batangas, ay dinayo pa ng pamilya ni Kuya Mizael Arceo ang bentahan ng pailaw at paputok sa Bocaue, Bulacan.

Tradisyon na kasi ng kanilang pamilya na magkaroon ng pailaw tuwing pasko at bagong taon.

Pero, tuwing namimili nito ay sinisiguro niyang lehitimo ang kanyang binibiling produkto.

‘’Bumabase po kami sa mga with license na with approval ng mga nagooperate tulad ng DTI para safety po kami,’’ ayon kay Mizael Arceo.

Sa katunayan, supresang ininspeksyon ng Department of Trade and Industry (DTI) mga tindahan ng pailaw at paputok kung saan din namili si Kuya Mizael.

Isa-isang tinungo ni DTI Consumer Protection Group Assistant Secretary Amanda Gonzales ang mga tindahan.

Ito ay upang masuri kung sumusunod ba ang mga ito sa panuntunan ng ahensya sa tamang pagbebenta ng produkto lalot maraming Pilipino ang tumatangkilik nito tuwing holiday season.

Sapul sa kanilang inspeksyon ang isang tindahan na nahuling nagbebenta ng Mt. Everest na hindi naman inaprubahan ng DTI upang ibenta ng mga manufacturer sa mga retailer.

Kung kayat, pinagpapaliwanag ng DTI ang may-ari hinggil ditto.

‘’Bibigyan sila ng notice of violation kasi hindi dapat binibenta yung mga firework na hindi nagma-match yung PS mark, license at yung brand at yung specific model ng firewok. Eventually bibigyan sila will be notified within 48 hours. Dahil doon ipupullout namin itong box na ito,’’ saad ni Asec. Amanda Lopez Consumer Protection Group, DTI

Paliwanag ni Ate Precy, tagabantay sa naturang tindahan.

 ‘’Ipro-process pa lang daw pero parang initial testing lang parang sample,’’ ani Precy.

Ang tindahan naman na ito sa kaparehong lugar ay hindi rin nakaligtas sa DTI.

Nahuli itong nagbebenta ng pailaw at paputok na hindi naman inaprubahan ng DTI.

‘’Itong sputnik silver puwede ito kasi inapproved ng DTI yan. Ang problema itong si Sputnik gold, gumawa siya ng bago Sputnik gold pero using the same license pero hindi siya unauthorized na gawin itong gold pinalitan niya lang ng packaging hindi natin alam kung ano pinalitan niya sa loob pero hindi yan puwede. So, violation siya,’’ saad ni Asec. Lopez.

Nanindigan naman ang may-ari na si Ate Elizabeth na lehitimo ang kanilang mga ibinibenta dahil ito naman ay may PS mark at PS license.

Pero, handa naman siyang makipagtulungan sa DTI upang mabigyan ng sapat na kaalaman sa mga ibinibentang produkto.

‘’In good faith kaming bumili rito na kapag nakita naming may PS mark ay approved sa DTI. Okay lang po yung notice basta maayos naming ma explain at maayos na ma explain ng manufacturer,’’ ani Elizabeth may-ari ng tindahan.

Pagmumultahin ng P25,000 ang mga retailer na nabigyan ng notice of violation ng DTI habang hanggang 300,000 peso naman ang maaaring ipataw na multa sa mga manufacturer na iligal na gumagawa ng produkto.

Nagpaalala naman si Gonzales na posibleng panganib na maidudulot ng mga hindi lisensyadong produkto.

Kung kayat, suriin ang mga produkto na pasok sa Bureau of Philippine Standard.

‘’Ang danger hindi tayo nakasisiguro kung safe yun maaaring kung sinindihan niyo ay puputok kaagad or maaaring sumabog na makasira ng property natin kaya hindi dapat bumibili kapag hindi lisensyado ng manufacturer na walang PS mark yung pailaw o paputok,’’ ani Lopez.

Sa kabilang banda, sa ngayon ay bumaba ang presyo ng pailaw at paputok kumpara noong 2022.

‘’Kasi last year diba nagpandemic lahat ng materyales ay tumaas. Ngayon po nag okay na po kaya bumalik sa dati,’’ ayon kay Ligaya tagabantay ng tindahan.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter