NAGSIMULA nang alisin ng New NAIA Infra Corp. ang nasa 27 abandonadong eroplano na matatagpuan sa General Aviation Area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Bilang bahagi ito ng patuloy na pagsisikap nila na mapabuti ang kaligtasan, maisaayos ang operasyon sa airside, at magamit nang mas epektibo ang limitadong espasyo.
Ilan sa mga eroplano ay matagal nang nakatengga sa paliparan sa kabila ng mga naunang pagtatangka na maresolba ang isyu.
Ang patuloy na presensiya ng mga abandonadong eroplano ay nagpapababa sa kapasidad ng operasyon at nagdudulot ng panganib sa kaligtasan at seguridad.
Ang pag-alis naman ng mga ito ay magbibigay ng mas maraming espasyo na mahalaga upang mapabuti ang paradahan ng eroplano, lalong-lalo na’t patuloy na tumataas ang trapiko sa NAIA.
Ngayon, hinimok ng NNIC ang mga may-ari na makipag-ugnayan agad sa kanila upang mapatunayan ang pagmamay-ari at maisagawa ang retrieval o tamang disposisyon ng kanilang mga eroplano.
Hinggil dito, mangyaring makipag-ugnayan sa General Aviation Operations Division sa [email protected].