Mga iresponsableng police commanders, ipasisibak agad ng PNP

Mga iresponsableng police commanders, ipasisibak agad ng PNP

MAHIGPIT na pinaalalahanan ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin, Jr. ang police commanders na disiplinahin ang  kanilang mga tauhan.

Aniya, magsisilbi itong batayan ng taumbayan upang makuha ang loob at tiwala ng publiko sa mga kapulisan.

“Instilling discipline is a routinely action that must be taken priority so we can implant integrity in our work,” pahayag ni Azurin.

Ito ay kasunod ng pag-aresto ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ng isang bagitong pulis na may warrant of arrest sa kasong kidnapping at rape na kinilalang si Patrolman Jerome Ubaldo Arroyo na nakatalaga sa Manila Police District (MPD).

Maliban dito, may tatlo pang MPD police ang nahuli dahil sa robbery extortion.

Kinilala ang mga nadakip na sina SSgt. Erwin Licuasen y Basilan, 34; at CPl Chimber Importa y Rey, 33; at Pat Leopoldo Tuason y Nival, 39, pawang nakatalaga sa Paco Police Community Precinct, Police Station 5 – Ermita.

Ang operasyon ay ginawa nang magreklamo si Frederick Alba y Mangaya, 34, ng Ibarra St. corner Makiling St. Barangay 492, Sampaloc, Manila matapos hulihin ang kanyang driver na si John John sa kasong ‘counter flow’ at ‘driving without license’ at na-impound ang kanyang tricycle nitong nakaraang Linggo, Agosto 14, 2022.

Humihingi ang naturang mga pulis ng P2,000 kapalit ng pag-release ng kanyang tricycle na in-impound.

Kaugnay nito, sinabi ni Azurin na kung mabibigo ang mga commander na madisiplina, ang mga tauhan ng station o substation ang papalitan.

“If you are not going to do your job, then the entire station or sub-station will be relieved  and they will be replaced with more responsible and accountable PNP personnel,” ani Azurin.

Matapos ang nangyaring balasahan sa ilalim ng liderato ni Azurin, agad itong nagbigay ng direktiba sa lahat ng mga tauhan nito na gawin nang maayos ang kanilang tungkulin at huwag maging pabigat sa komunidad bagkus maging tulay sa mabilis na pagbabago at implementasyon ng kaayusan sa kani-kaniyang area of responsibility.

Nauna nang tiniyak ng PNP na paiigtingin pa nito ang monitoring sa lahat ng police commanders sa bansa sa ilalim ng internal cleansing at one strike policy partikular na sa mga pulis na tamad at matitigas ang ulo.

Follow SMNI News on Twitter