Mga karinderya na nakapuwesto sa sidewalk ng Mabuhay Lanes, sapul sa operasyon ng MMDA

Mga karinderya na nakapuwesto sa sidewalk ng Mabuhay Lanes, sapul sa operasyon ng MMDA

NATARANTA at nagkukumahog sa pagligpit ng kanilang mga kagamitan ang mga tauhan ng karinderya na nakapuwesto sa may sidewalk ng Mabuhay Lanes.

Punterya kasi iyan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa kanilang clearing operations na halos naookupa na ang sidewalk sa nasabing kalsada.

Layon ng MMDA na maging maayos ang daloy ng trapiko sa Mabuhay lanes bilang mga alternatibong ruta lalo na’t isinara ang EDSA-Kamuning Southbound Flyover na tatagal hanggang Oktubre.

“Pagbibigyan muna namin pero sa susunod na balik tatanggalin na ho namin ito. Kasi ito ang nagiging cause ng traffic eh. ‘Pag may kakain, may nakaparada diyan. Kung walang tindahan dito, walang paparada diyan. So ngayon pagbibigyan namin pero next balik namin, kailangan wala na po sila,” pahayag ni Director Francis Martinez, Metropolitan Manila Development Authority.

Pero katwiran ng may-ari ng karinderya na hindi naman umano sila nagdudulot ng trapiko sa Mabuhay Lane.

Subalit naiintindihan naman anila nila kung bakit ito ginagawa ng MMDA.

Sa kabila niyan, business as usual pa rin sa mga susunod na araw anila dahil dito lamang umaasa ang kani-kanilang mga pamilya.

“Para-paraan na lang para mabuhay. Ganoon naman eh. Magtitinda pa rin syempre. Ito ‘yung hanap-buhay natin. Anong gagawin natin? Nganganga? Saka mabibigyan ba kami nila ng pagkain kung wala kaming hanap-buhay? Sila ba ang magpapakain sa anak namin? saad ni Jenny Cancio, may-ari ng karinderya.

“Sana pagbigyan lang naman kami kasi hindi naman kami nakakaistorbo. ‘Pag may mga parking naman ng mga sasakyan diyan nakaharang, inaayos naman,” ayon naman kay Rosalyn Castro, may-ari ng karinderya.

“Dito sir, habang nagtitinda kami, nababantayan namin ang mga anak namin. Kaysa magtrabaho kami, pupunta sa ano, kawawa anak namin,” wika ni Rosalyn Castro, may-ari ng karinderya.

“Dapat ipaunawa natin sa ating mga kababayan na ‘yung kalsada ay ginawa para daanan ng sasakyan. ‘Yung bangketa para daanan ng taumbayan. Kamukha ng nakikita natin kanina, ‘yung mga illegal vendor nagagalit sila kasi hindi naman daw nakakaabala sa mga sasakyan pero hindi naman ginawa ‘yung bangketa para pagtindahan eh. Ginawa ang bangketa para daanan ng taumbayan,” aniya.

Ilang sasakyang ilegal na nakaparada sa Mabuhay Lanes, tiniketan, hinatak

Sapul din sa operasyon ang mga sasakyang ilegal na nakaparada sa Mabuhay Lanes.

Ang ilan ay natiketan habang ang mga sasakyang iniwan ng kanilang mga may-ari ay hinatak at dinala sa impounding area.

Si Mang Lorenzo na ipapaayos lang sana ang kaniyang sasakyan ay naabutan ng MMDA na nakaparada sa Mabuhay Lane.

“(Pero alam niyo pong bawal magparking diyan?) Alam namin sir. Saglit lang,” ayon kay Lorenzo Gadingan, Natiketan ng MMDA.

”Wala akong magawa sir. Naabutan ako ng operation eh kaya susunod lang tayo sa batas eh. Ganoon talaga eh,” aniya pa.

Una nang sinabi ng MMDA na kung kakailanganin, aaraw-arawin nila ang kanilang operasyon sa Mabuhay Lanes hanggang sa matapos ang pagkukumpuni sa EDSA-Kamuning Southbound Flyover.

“Kailangan gawin natin ito ng araw-araw sapagkat alam naman natin na sa ngayon ay may road closure tayo ‘yung flyover sa Kamias at kung hindi natin gagawin ito, lalong mahihirapan ang mga kababayan natin na bumibiyahe along EDSA. So kailangan ma-clear natin itong alternate route para mabawas-bawasan ang inconvenience ng ating mga kababayan,” wika ni Usec. Procopio Lipana, General Manager, MMDA.

Umabot sa 17 sasakyan ang natiketan sa Quezon City habang lima naman ang na-impound. Sa Marikina nasa higit 60 sasakyan ang natiketan habang siyam ay dinala sa impounding area.

Tatagal ng anim na buwan ang pagkukumpuni sa Kamuning Flyover na isa mga tulay na tinukoy ng Japan International Cooperation Agency na kailangang maayos bilang paghahanda sa “The Big One.”

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble