Mga kaso ng disqualification at nuisance candidates, pinareresolba sa COMELEC bago ang halalan

Mga kaso ng disqualification at nuisance candidates, pinareresolba sa COMELEC bago ang halalan

UPANG hindi makompromiso ang integridad at kaligtasan ng eleksiyon, ay pinareresolba ni Senator Win Gatchalian sa Commission on Elections (COMELEC) ang mga kaso ng disqualification, kabilang ang mga kasong kinasasangkutan ng mga nuisance candidate.

Sa Senate Bill 1061 na inihain ni Gatchalian ay nais nitong amyendahan ang Omnibus Election Code of the Philippines upang gawing election offense ang pagiging nuisance candidate kasabay ng pagkakansela ng kaniyang certificate of candidacy (COC).

Sabi ni Gatchalian, kung maagap ang pagresolba ng mga kaso ng disqualification at nuisance candidates ay maiiwasan ang iba’t ibang uri ng tensiyon sa politika at maaari nitong hadlangan ang hindi maayos na mga salungatan sa pagitan ng mga politiko.

Binigay halimbawa ng senador ang kaso ng pinaslang na si Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Matatandaan na ideneklara ng COMELEC si Degamo bilang bagong nanalo sa 2022 Negros Oriental gubernatorial race noong Oktubre ng nakaraang taon matapos ilipat sa kaniya ng poll body ang mga boto na nakuha ng kandidatong “Ruel G. Degamo” na idineklara bilang nuisance candidate apat na buwan pagkatapos ng halalan.

Ang desisyon ng COMELEC ay pinagtibay ng Korte Suprema noong nakaraang buwan.

Follow SMNI NEWS in Twitter