Mga kriminal hindi dapat magkumpyansa; Buhay ng mga naaapi handang ipagtanggol ng kapulisan

Mga kriminal hindi dapat magkumpyansa; Buhay ng mga naaapi handang ipagtanggol ng kapulisan

HANDANG ipagtanggol ng sangay ng kapulisan ang kanilang buhay gayundin ang buhay ng mga inosente at naaaping sinuman sakaling malagay sa peligro habang nilalabanan ang kriminalidad sa bansa.

Hindi dapat mag kumpyansa ang mga kriminal dahil nakahanda ang kapulisan na ipagtanggol ang kanilang buhay at buhay ng bawat mamamayang Pilipinong sumusunod sa batas sakaling malagay sila sa alanganin.

Ito ang binitiwang salita ni PCol Alvin Consolacion, acting provincial director ng Pampanga PPO sa eksklusibong panayam ng SMNI News North Central Luzon.

Aniya mandato ng kapulisan na isuko sa batas ang mga kriminal at pagdusahan ng mga ito ang kanilang ginawang krimen sa loob ng kulungan.

Kung kaya patuloy ang kapulisan sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan partikular sa lalawigan ng Pampanga kung saan hindi sila tumitigil na puksain ang kriminalidad sa probinsiya.

Isa rito ang pagpapatuloy ng laban kontra iligal na droga kung saan mayroon pa rin umanong nahuhuli ang mga awtoridad na may kaugnayan sa ipinagbabawal na gamot.

Kasabay ng pagiging insurgency-free ng lalawigan ng Pampanga, mahigpit pa rin aniya ang ginagawang pagbabantay ng kapulisan sa bawat paaralan upang maiwasan ang ginagawang pangre-recruit ng makakaliwang grupo lalo na sa mga kabataan.

Sa ngayon, payapa umano ang mga paaralan sa probinsiya matapos magbalik-eskwela ang mga mag-aaral.

Hiling ni Consolacion sa publiko ang pagkakaisa at pagtutulungan para sa iisang adhikain, ang kaayusan at kapayapaan ng lipunan at bawat mamamayan.

Samantala, tahimik at walang natanggap na impormasyon ang mga awtoridad na mass mobilization sa lalawigan kaugnay sa paggunita ng ika-50 anibersaryo ng Martial Law sa bansa.

Follow SMNI NEWS in Twitter