PATULOY ang pagtaas ng bilang ng mga lumalabag sa ipinatutupad na gun ban ng Commission on Elections (COMELEC) para sa 2025 midterm elections.
Batay sa pinakhuling tala ng PNP, pinakamaraming nahuling lumabag ay mga sibilyan.
Sinundan ito ng security guard, sundalo at tig-isa ang BuCor at appointed government official.
Mga lumabag sa gun ban:
Sibilyan – 209
Security guard – 10
Militar (off-duty)- 2
Olea (other law enforcement agencies) – 2
Bucor – 1
Appointed government official – 1
Total: 225
Samantala, umabot naman sa 228 na armas ang nakumpiska sa ilalim pa rin ng implementasyon ng gun ban sa buong bansa.
Patuloy ang pakiusap ng mga awtoridad kaugnay sa pagbabawal ng pagdadala ng baril sa kabila ng pagkakaroon ng lisensiya o rehistro nito.
Ayon sa COMELEC, kailangan may kaukulang abiso ito sa comelec o gun ban exemption para maiwasang masita, magmulta o maaresto.
Nauna nang ikinadidismaya ng comelec ang pagtaas ng bilang ng mga matitigas ang ulo sa gitna ng pagbabawal sa pagbibitbit ng baril at armas ngayong election period.
Batay naman sa impormasyon ng COMELEC gun ban and security concerns committee mayroon na silang 1,131 na indibidwal na nabigyan ng certificate of exemption mula sa gun ban.
Sa huli, patuloy rin ang pakiusap ng ahensiya sa publiko na maging mapagpasensiya lalo na sa mga ipinatutupad na chekcpoints sa buong bansa.
Giit pa ng COMELEC, para rin naman sa kaligtasan ng lahat ang mga itinatag na security protocol hanggang sa maayos at payapang pagsasagawa ng halalan sa Mayo ngayong taon.