NABABAGALAN ang Federation of Free Farmers (FFF) sa distribusyon ng NFA ng lumang suplay ng bigas para sa mga lokal na pamahalaan sa bansa.
Ito ay matapos ideklara ng Department of Agriculture (DA) ang ‘food security emergency’ sa bigas kamakailan para maibenta na ng NFA, sa ilalim ng Food Terminal Incorporated (FTI), ang mga bigas na ilang buwan nang nakatengga sa mga bodega.
Pero nababahala ang FFF dahil kakaunti pa lamang sa mga LGU ang nakabili ng bigas sa Metro Manila—tanging ang lungsod pa lamang ng San Juan.
Sa susunod pa raw mamimili ang lungsod ng Navotas, Cotabato, at Camarines Sur.
Ayon kay Leonardo Montemayor, chairman ng FFF, maaaring hindi prayoridad ng LGU ang pagbili ng NFA rice kahit na mas mura ito. May kaniya-kaniyang dahilan umano ang mga lokal na pamahalaan kung bakit hindi nila kinukuha ang suplay ng bigas.
“Diyan magkakaproblema ang NFA kasi hindi sila makakabawas ng kanilang nagiging lumang stocks ng palay o bigas sa kanilang mga bodega,” ani Leonardo Montemayor, Chairman, FFF.
Sa mga probinsiya na may malapit na bodega ng NFA, hindi pa rin bumibili ng bigas mula sa ahensya ang ilang LGU.
Ayon sa FFF, posibleng mahirapan ang NFA na makabili ng palay mula sa mga magsasaka dahil sa punong-puno na ang mga bodega nito.
Dagdag pa ng grupo, masisira din ang mga bigas na pinondohan gamit ang pera ng kaban ng bayan kung hindi ito agad maibebenta.
“Maraming farmers natin ang hindi makakabenta ng palay sa NFA kasi mas mataas ‘yung presyo ng NFA—nasa P23/kg. Sa labas siguro, pinakamataas ngayon sa tuyong palay ay P21/kg pero minsan ay nasa P19/kg,” dagdag ni Montemayor.
Habang tumatagal, lalo lamang aniyang tatanda at unti-unting masisira ang mga bigas kung walang bibili mula sa private sector.
Posible rin, ayon sa FFF, na hindi bumibili ang mga LGU ng bigas dahil nalalapit na ang panahon ng kampanya para sa halalan.
NFA, umapela na sa mga LGU na bilhin na ang kanilang lumang suplay na bigas
Dahil dito, nanawagan na ang NFA sa mga LGU na bilhin na ang lumang suplay ng bigas.
“Nakikita niyo naman ‘yung mga bodega namin ay punong-puno. Paano kami makakabili ng marami kung wala kaming paglalagyan? So, ‘yun talaga ‘yung very critical doon. Nakikiusap na rin at inilalapit namin ito sa lahat ng LGU na malapit sa mga NFA warehouses—tara na at tumulong na tayo,” ani Larry Lacson, administrator ng Department of Agriculture.
Ang panawagang ito ay dumating sa isang kritikal na panahon, lalo na’t papalapit na ang tag-init. Nais ng NFA na makabili ng mas maraming palay habang tinitiyak na may sapat silang kapasidad sa kanilang mga warehouse para sa susunod na imbentaryo.
“Naturally, maghahanap sila ng mapagbebentahan at sino nga ba ‘yun? ‘Yun ay mga private traders dahil walang kapasidad ang mga magsasaka na magtuyo. ‘Yan ang nararanasan natin tuwing anihan na bumababa ang presyo—’yan ang symptoms ng kakulangan sa post-harvest facility,” dagdag ni Lacson.
Ngunit, sa panig naman ng FFF, nananatili ang problema kung puno pa rin ang mga bodega ng NFA.
“Ang problema nga lang ay kahit handa ‘yung farmers na magdala ng palay sa NFA, kung hindi rin kayang i-absorb ng NFA dahil puno ang bodega, ay wala ring mangyayari—sayang lang ‘yung P24 na pangako,” ani Montemayor.
Kung maaalala, ibinenta ng NFA nang palugi ang bigas sa halagang P33/kg sa mga LGU, na maaari sanang ibenta sa publiko sa presyong P35/kg.
Nasa 150,000 metric tons ng bigas ang target na maibenta sa mga LGU at GOCC sa loob ng anim na buwan—katumbas ito ng 150 milyong kilo ng bigas.
Dahil dito, sa tinatayang P15 na lugi sa bawat kilo, posibleng umabot sa P2.25B ang kabuuang pagkalugi ng NFA.