MAY payo ngayon ang ilan nating kababayan na matagumpay na nagtra-trabaho ngayon sa China.
Sa unang tingin, aakalain mo talagang Chinese si Engineer Romel.
“Kamusta sa mga taga Quezon City at Laguna, Sta. Rosa,” pahayag ni Rommel Tanquintic, Filipino Engineer sa China.
30 years na siyang nagtra-trabaho sa Shanghai para sa Filipino company na OISHI.
Dito na rin siya nakapag-asawa ng Chinese at nakabuo ng pamilya.
Saad niya, maganda ang working conditions dito sa China.
“Nami-miss ko, umuuwi ako every year. Oo, every year din akong umuuwi kasi may mga kapatid ako,” dagdag ni Tanquintic.
Saad niya, noong unang mga bahagi ng 1990’s, medyo mahirap ang kanilang kalagayan sa pag-aaral ng Chinese Mandarin.
Lalo na’t wala pa noong internet kaya mano-mano niya noon itong pinag-aralan sa pamamagitan ng pagbabasa.
Kailangan aniya kasi na mag-adjust sa gagamiting wika dahil sa trabaho.
Kung si Davey naman ang tatanungin, madali na lang ngayon na pag-aralan ang wikang Mandarin.
Lalo na sa mga kabataan.
“It was hard in the first four months, two to four months pero gradually everyone speaks Chinese eh,” saad naman ni Davey Ching, IT Expert sa China.
Ang dalawang successful kababayan natin ay alagang OISHI dito sa kanilang Shanghai Plant.
Ang kompanya, proud Pinoy dahil isa sa mga katangi-tanging Filipino owned business na may operasyon sa 10 bansa sa buong mundo kabilang na ang China.
Bukod diyan, nakakalat din sa buong mundo ang kanilang factories.
Katunayan, nasa Bangladesh at Uzbekistan ngayon ang kanilang expansion.
Malakas sa snack products ang OISHI sa China sa mahigit 30-taon nilang operasyon dito.
Nauna silang magtayo ng operasyon sa Tsina noong panahon na papaangat pa lamang ang nasabing bansa.
“So it was really time, it was also a blessing na we were able to come early and we are able to ride the growth no also being one of the first consumer brands here in China,” wika naman ni Larry Chan, Chairman of Liwayway (China) Co.
Pag may demand sa skilled workers, nagha-hire ang kompanya ng mga Pinoy sa kanilang field of operations.
Pero para sa ating mga kababayan na gustong makipagsapalaran sa China, payo ng mga nauna na unti-unti nang pag-aralan ang wikang Mandarin.
“Ang advise ko naman eh bago sila pumunta dito… Dapat una nga pag-alaran nila ‘yung language kasi mahirap talaga una dito ang language eh. Then i-prepare nila yung sarili nila lalo na dito (China) kasi may winter, masakit sa katawan talaga,” dagdag pa ni Tanquintic.
“Actually ang feeling ko Pinoy ang bilis matuto. Basically sa Philippines we are bilingual eh. Yung iba pa nga mas marami pa eh (multi-lingual). Multi-lingual kaya yes mostly kung marunong kang mag multilingual, madali ka ring matuto ng other language,” ayon pa kay Ching.
Ayon naman sa isang eksperto sa Mandarin, kasama na sa basic education curriculum ang pagtuturo sa nasabing wika.
“Well baka lang kasi sabihan tayo na masyado tayong malapit sa bansang Tsina. Sa kaalaman po ng lahat, ang wikang Mandarin, wikang Pranses (French) or German, Spanish, Japanese at South Korean, maging ang Chinese Mandarin ay nakapaloob na po sa curriculum ng Department of Education. Ito po ay itinuturo mula Grade 7 hanggang Grade 10 kung saan ang mga mag-aaral po. Ito po ay kusa lamang kung ninanais po nilang mag-aral,” pahayag naman ni Cavin Pamintuan, Confucius Institute Angeles University Foundation.
Mapasaan mang panig ng mundo, talagang tumatatak tayong mga Pilipino sa alinmang larangan.
Hindi lamang sa pagtra-trabaho, kundi pati na rin sa pagnenegosyo.