UMABOT na sa 54, 785 ang nabakunahan sa lalawigan ng Camarines Norte simula nang mag-umpisa ang vaccination rollout noong buwan ng Marso.
Ayon kay Acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco, sa 54, 785 na nabakunahan sa lalawigan ang 23, 336 nito ang nabigyan ng Johnson and Johnson vaccine.
Aabot naman sa 20, 559 ang naturukan ng first dose habang 10, 890 ang nakatanggap na ng second dose ng AstraZeneca at Sinovac vaccine.
Ayon naman kay Department of Health (DOH) Provincial Officer Dr. Jocelyn Iraola, may karagdagang 10, 000 Sinovac vaccines ang ipinadala na sa Camarines Norte kung saan prayoridad pa ring mabakunahan ang mga senior citizens.
Kaugnay nito ay inirekomenda ni Iraola na suyurin ang mga natitira pang senior citizens na hindi pa nababakunahan at mga persons with comorbidities sa pamamagitan ng mobile vaccination.
Ipinaaalam din sa publiko na nagpapatuloy hanggang ngayong araw ang pagbabakuna sa out-patient department ng Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH).
Sa huli sinabi ni Iraola na lahat ng bakuna ay epektibo laban sa COVID-19 dahil ito ay aprubado ng World Health Organization (WHO) na binigyan naman ng emergency use authorization (EUA) ng Food and Drugs Administration (FDA).
(BASAHIN: Camarines Sur, nagbigay ng 15 mechanical ventilators sa BMC)