MILYUNG-milyong halaga ng smuggled puting sibuyas ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) at Department of Agriculture (DA) sa Manila International Container Port kamakailan.
Aabot sa 100,000 kilograms o 100 metric tons ang nasamsam ng mga awtoridad at ito’y nagkakahalaga ng P30 milyon.
Idineklara umano itong tinapay ngunit tumambad sa mga ito ang saku-sakong puting sibuyas.
Ayon kay Rex Estoperez, Deputy Spokesperson ng DA kinukonsidera nila na ibenta ang mga nasabat na smuggled puting sibuyas.
Aniya, ito ay dapat lamang ibenta sa mga pamilihan na kontrolado ng ahensiya gaya ng Kadiwa.
Ngunit paglilinaw ni Estoperez, kailangan muna itong dumaan sa phytosanitary inspection upang matiyak na ligtas at kalidad gamitin.
At sa oras na payagang maibenta ito inaasahan na mabibili lamang ito sa Kadiwa sa mababang halaga.
Samantala, mariing tinutulan ng Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG ang plano ng ahensiya na ibenta ang mga smuggled puting sibuyas.
Giit ni Rosendo So, Presidente ng nasabing agricultural group malaking kawalan ito sa mga magsasaka na nagtatanim ng sibuyas.
Hindi rin aniya dapat gawing katwiran na dahil holiday season kung kaya’t kakailanganing ibenta.
“Kung once na ginawa nila ‘yan lahat ng smuggled na pumapasok ay puwede na nila ibenta ‘yan. So, hindi maganda ‘yan sa ating mga magsasaka at may konting ani na rin sa Nueva Ecija by January maraming ani na. Hindi lang ‘yung sa phytosanitary ang may problema diyan, malaking problema ‘yan kasi pumasok na walang sanitary permit. So, dapat talaga na i-render ‘yan hindi puwedeng ibenta sa mercado,” pahayag ni So.
Dagdag pa nito, karamihan na sa mga nakikitang puting sibuyas na ibinibenta sa mga supermarket at online ay smuggled.
Pagbibigay-diin nito, kailangan itong tutukan ng pamahalaan upang mahuli ang sinumang nagpapasok ng smuggled puting sibuyas.
“Magsusulat tayo sa DA at sa Customs na hindi puwede ibenta ‘yan,” ayon kay So.
“And, magpa-file kami ng case, kung hindi nag-file ang DA at Customs ng case ay kami ang magpa-file ng case against Customs at DA,” dagdag nito.
Para naman kay Senator Cynthia Villar na siyang Chairperson ng Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform, hindi dapat i-tolerate ang pagpupuslit ng mga smuggled onion.
Aniya, malaking epekto ito sa local produce ng mga magsasaka.
Samantala, sa usapin naman ng pulang sibuyas sa ngayon ay iba’t ibang agricultural group na ang nagsagawa ng imbentaryo sa mga cold storage upang matiyak na mayroong sapat na suplay ng pulang sibuyas.
Sa datos naman ng DA, mayroon pang 10,000 hanggang 15,000 metric tons ng pulang sibuyas sa mga cold storage.