Mga nasugatan sa pagsalubong sa 2024 dahil sa paputok, mas mataas kumpara noong 2023

Mga nasugatan sa pagsalubong sa 2024 dahil sa paputok, mas mataas kumpara noong 2023

MATAPOS ang kaliwa’t kanang selebrasyon sa pagsalubong ng Bagong Taon at sinabayan pa ng pagpapaputok sa iba’t ibang lugar.

Hindi maiiwasan na may mga indibidwal ang nasusugatan dahil sa paggamit ng mga ipinagbabawal na firecracker.

Sa datos ng Bureau of Fire Protection (BFP), umabot na sa 60 porsiyento ang mga naitalang sugatan dahil sa paputok.

Karamihan sa mga ito ay tinatawag na passive victim o mga indibidwal na natatapunan ng mga paputok.

“Karamihan kasi ay ‘yung mga kwitis, ang ginagawa kasi ng mga kababayan natin after magsindi sila, tinatapon nila,” ayon kay Dir. Louie Puracan, Chief, BFP.

Sinabi pa ni BFP Dir. Louie Puracan, hepe ng BFP na nakakabahala ang naitalang bilang lalo’t marami na sa mga Pilipino ang umiiwas na sa paggamit ng paputok tuwing sinasalubong ang Bagong Taon.

“So, ito ‘yung nakakabahala kasi kahit nag-iingat ka maaari ka pa ring magka-injury mataas pa close to 60% nga ang injuries nung passive victims natatapunan ka. So, isa ito sa dapat tingnan natin kasi dapat mag-ingat talaga tayo. Ang iba sa ating mga kababayan ay nag-iingat kasi  naging biktima pa rin sila ng firecrackers,” dagdag ni Puracan.

Kung kaya’t, pabor ang BFP sa ipinanawagan ng Department of Health (DOH) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na firecracker ban upang maiwasan ang nasabing insidente.

Naitalang sunog kaugnay sa paggamit ng paputok, kakaunti—BFP

Bukod kasi sa firecracker injuries, kabi-kabilang sunog din ang naitala ng BFP sa pagsapit ng Bagong Taon.

Sinabi naman ni Fire Superintendent Annalee Atienza na siya ring tagapagsalita ng BFP, umabot sa siyam ang naitalang sunog sa Metro Manila at iba pang probinsiya.

Pero, mas mataas pa rin ang naitalang sunog ng BFP nitong Disyembre 31 hanggang Enero 1 ng 2024.

“Nagkaroon po tayo ng fire incidents, overall nationwide po ito compared po last year of the same period December 31 hanggang papasok ng January 1, 2023 ay 50. So, napakalaki po ng itinaas natin nitong pagpasok ng 2024,” ayon kay FSupt. Annalee Atienza, Spokesperson, BFP.

Pagdami ng biktima ng paputok, maaaring dahil sa pagluluwag ng COVID-19 restrictions—DOH

Iniulat naman ng

Department of Health (DOH) na 11 months old na taga-Metro Manila ang pinakabatang biktima ng paputok.

Habang 76 taong gulang naman na lalaki na taga-Ilocos Region ang pinakamatandang nabiktima ng ipinagbabawal na kwitis.

Sinabi naman ni DOH Sec. Ted Herbosa na posibleng ang pagtaas ng kaso ng firecracker injuries ay dahil na rin sa pagluluwag ng COVID-19 restrictions.

Hulyo 2023 kasi nang tuluyang alisin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang public health emergency status sa bansa dahil sa global pandemic.

“Pero, tandaan natin na last year ay mayroon pang public health emergency status ang ating bansa at ngayon lang na release kaya talagang parang mayroong revenge drive ang ating mga kababayan,” ayon kay Sec. Ted Herbosa, DOH.

Paaalala naman ng mga ahensiya ng pamahalaan sa publiko na maging aral ang mga naitatalang insidente ng paputok at mas unahin ang kaligtasan bago gumamit ng mga ilegal na firecracker sa anumang uri ng aktibidad.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter