Mga naunang national budget sa ilalim ng Marcos Jr. admin, dapat din tingnan ─senatorial aspirant

Mga naunang national budget sa ilalim ng Marcos Jr. admin, dapat din tingnan ─senatorial aspirant

DAHIL sa isyu ngayon na kinakaharap ng kasalukuyang administrasyon kaugnay sa maanomalyang 2025 national budget, hindi maiwasan ng dating Defense Secretary at Senatorial Candidate na si Norberto Gonzales na kwestyunin ang mga naunang pondo na naipasa sa ilalim ng Marcos Jr. administration.

Giit nito, baka hindi lang ito ngayon nangyari na may mga blangkong items na naipasa.

Nito lang kamakailan ay isiniwalat ni Davao City 3rd district Rep. Isidro Ungab kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa publiko na invalid ang 2025 national budget dahil sa mga blangkong item sa Bicameral Conference Committee report kaugnay nito ay hinamon ng dating pangulo ang kongreso na ipaliwanag kung bakit nagkaroon ng mga blangkong items ang naturang report.

Ang natuklasang blangkong items ay agad na pinalagan ng malakanyang at sinabing nagsisinungaling lang daw ang dating pangulo ngunit kalaunan ay biglang sinabi ng palasyo na hindi umano sila ang responsable sa mga blangkong items na nakapaloob sa Bicam report.

Samantala sa panayam ng SMNI News sa dating kalihim ng Department of National Defense (DND) at ngayoy senatorial candidate na si Norberto Gonzales, naniniwala siya na may basehan at may pruweba ang inilahad ni dating Pangulong Duterte at ni Cong. Ungab.

“May mga nakikita tayong mga proweba na mukhang totoo yong ipinalabas ng dating presidente na may blangko sa papeles na pinirmahan ng ating mga members ng bicameral,” ayon kay Norberto Gonzales – Senatorial Candidate.

Sa ngayon, ay wala pang naipapakitang maayos na paliwanag ang mga mambabatas patungkol sa naturang isyu kaya naman para kay Gonzales importante na malaman ito ng taong bayan.

“Para siguro sa taong bayan importante makita natin ang totoo diyan,” saad nito.

Dahil sa maanomalyang 2025 national budget, hindi tuloy maiwasan ni Gonzales na magtanong sa kasalukuyang administrasyon kung naging tapat ba ito sa mga naunang budget.

“Hindi natin pwedeng sabihing first time kasi pangatlong budget na ito sa panahon ni BBM hindi natin alam siguro mas maganda kung talagang gusto ng taong bayan na makita ang katotohanan siguro tingnan din natin yong papeles ng bicameral recomendation nung the last two years maganda makita yong tatlong taon para makita natin na ito normal practice na hindi natin pinapansin dahil wala pang away popular pa ang pangulo kaya hindi natin tinignan ng mabuti,” wika nito.

Pero sinabi nito na hindi pa niya masasabi na mayroong kurapsyon na nangyari dahil hindi pa naman aniya naibibigay ang nasabing pondo.

“Hindi pa natin masabi na may kurapsyon may intensyon kasi hindi pa naman naire-release yong pera kaya hindi pa natin masasabi na may kurapsyon na nga pero yong design yong intensyon palagay ko para makapabor ang ilang mambabatas ‘yan,” ani Gonzales.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter