NATAGPUAN na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang sinasabing mga nawawalang case folder ng mga tauhan nito sa kasong kriminal at administratibo.
Sinabi ni Philippine National Police (PNP) PIO chief PCol. Jean Fajardo, na-misplace lamang ang mga dokumento at nailagay sa ibang departamento bunsod ng mga ginawang transition sa NCRPO administration.
Sa kabila rito, nilinaw ng PNP na tuloy pa rin at hindi magbabago ang utos ni PNP chief PGen. Benjamin Acorda, Jr. na i-trace at pag- aaralan ang mga kaso ng PNP personnel sa iba’t ibang regional offices nito para maiwasan ang mga kahalintulad na insidente.
Sa ilalim aniya ng bagong kautusan ng PNP chief, hinamon nito ang lahat ng regional offices ng PNP na ibigay ang resulta ng accounting sa mga kaso sa lalong madaling panahon.
Digitalization sa mga naitatalang kaso ng PNP personnel, palalawakin—PNP
Samantala, sa ilalim ng isinusulong na modernong PNP, umaasa sila na mapalawak pa ang kanilang kaalaman sa makabagong database system partikular na sa mga naitatalang kaso ng mga pulis para sa mabilis na pagresolba sa mga ito at maiwasan ang mano-manong paghahanap sa mga ito na nauuwi sa anomalya.
Pero aminado ang PNP na sa ngayon, nakadepende lamang sila sa pondong ibibigay ng pamahalaan sa kanila.
Una nang pumutok ang isyu, matapos na mabatid ang kakaunting bilang ng mga pulis na nakakasuhan o napaparusahan dahil sa mga paglabag simula ng kaniyang panunungkulan.