177 police officers, kinasuhan ng drug-related offenses sa NCR

177 police officers, kinasuhan ng drug-related offenses sa NCR

NASA 177 pulis ang kinasuhan ng mga paglabag na may kinalaman sa ilegal na droga sa Metro Manila.

Kasunod ito ng mas pinaigting na kampanya laban sa illegal drugs na nakatuon sa mga alagad ng batas.

Sa isang video message, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na kabilang sa drug-related offenses na ito ay ang pagtatanim ng ebidensiya, labag sa batas na pag-aresto, at labis na karahasan.

“Kabila naman niyan ay alam naman natin na kung minsan nadadala ang ating mga opisyal at syempre hindi natin maaring pabayaan ‘yan. Kaya’t ang nangyari ay 177 police officers have been charged with drug-related offenses,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

Inilahad pa ni Pangulong Marcos na nasa mahigit isang daang libong (121,582) indibidwal na ang napakulong ng pamahalaan dahil sa mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga mula nang magsimula ang kaniyang termino noong 2022.

“We are now pursuing 151,818 court cases by the DOJ in 2022 to 2023 with 121,582 naikulong na, itong mga violators tungkol dito sa mga drug trade,” dagdag ni Pangulong Marcos.

Saad ng Punong Ehekutibo, ang mga datos na ito ay hindi lamang magandang numero kundi tunay na pagpapabuti sa patuloy na laban kontra sa paglaganap ng ipinagbabawal na droga.

Laban ng gobyerno vs ilegal na droga sa grassroots level, malaki ang naging progreso—PBBM

Una nang ibinida ni Pangulong Marcos ang naging tagumpay ng gobyerno sa laban nito kontra ilegal na droga sa grassroots level.

Ito ay kasunod ng ulat ng Philippine National Police (PNP) na nakapagkumpiska ito ng humigit-kumulang P10.4-B halaga ng narcotics noong 2023.

Kasabay rito, iniulat din ng PNP na nasa mahigit dalawampu’t pitong libong (27,968) mga barangay ang naideklara nang drug-cleared.

Isinalaysay ni Pangulong Marcos na magandang progreso ang anti-illegal drugs campaign ng gobyerno sa grassroots level.

“Magandang progreso ito sa grassroots level dahil ang mga barangay ay pag nasabi natin ay cleared ‘yan, madali nang i-monitor at maayos na ang patakbo doon,” ayon pa sa Pangulo.

Idinagdag pa ng Chief Executive na palagi ring tinitingnan ng pamahalaan ang rehabilitation at prevention sa usaping ito.

“Siyempre, lagi rin natin tinitingnan ‘yung rehab— ‘yung prevention na hindi na pumasok ‘yung mga kababayan natin sa masasamang ugali tungkol dito sa drugs at kung sinoman ang nasubo na ay bibigyan natin ng tulong sa pamamagitan ng mga rehabilitation center,” aniya.

Saad ng Punong Ehekutibo, gumawa ng mga hakbang ang national government para tutukan at sawatahin ang ilegal na droga sa lokal na antas.

Maliban diyan ay nakipagtulungan na rin ito sa 50 probinsiya, 1,160 munisipalidad, at 30 lungsod sa pagpapatupad ng Anti-Drug Abuse Councils (ADACs).

Binanggit din niya na nakapagsagawa rin ng 74 in-patient treatment at rehabilitation facility para magbigay ng daan tungo sa paggaling para sa mga gustong makawala sa kanilang adiksiyon.

Samantala, kabilang din sa iniulat ng PNP na umabot sa mahigit limamput anim na libong (56,495) mga suspek ang naaresto matapos magsagawa ng mahigit 44,000 anti-illegal drug operations.

Mababatid na isinasagawa ng kasalukuyang administrasyon ang bagong estratehiya sa pagtugon sa mga ilegal na droga sa pamamagitan ng pagtutok sa rehabilitation, reintegration, at preventive education programs partikular para sa mga kabataan.

Nauna na ring sinabi ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa na magandang accomplishment ito ng pamahalaan patungkol sa anti-illegal drugs campaign.

Gayunpaman, iginiit ni Dela Rosa na base sa komento ng taumbayan, mas may diin o tindi ang aksiyon ng nakaraang administrasyon sa kampanyang ito.

“Magandang accomplishment ‘yan, magandang accomplishment,” ayon kay Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble