NAGPASALAMAT si Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos Jr. sa mga negosyante sa China na dumalo sa pulong na bahagi ng kanyang state visit sa Beijing.
Sa kanyang pagharap sa mga negosyante sa sektor ng renewable energy, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang hangarin ng Pilipinas tungo sa makakalikasan at tuluy-tuloy na pag-unlad sa mga darating na taon.
Inihayag ng Punong Ehekutibo ang buong suporta ng pamahalaan sa pamumuhunan ng mga ito sa Pilipinas, kaagapay ang mga reporma na inilatag ng economic managers ng administrasyon sa unang 6 na buwan.
Bukod dito, nakipagpulong din si Pangulong Marcos sa mga pinuno ng mga kumpanya sa sektor ng agribusiness.
Ibinahagi ni Pangulong Marcos sa Chinese businessmen na ang sektor ng agrikultura ang pangunahing estratehiya ng kanyang administrasyon para sa pagbangon ng Pilipinas mula sa pandemya.
Nagpasalamat din ang Pangulo sa mga dumalo sa pulong at sa kanilang ipinakitang interes sa pakikipagnegosyo at pagpapabuti sa industriya ng agrikultura.
Kasabay nito, inimbitahan ni Pangulong Marcos ang Chinese businessmen na mamuhunan partikular ang mga kumpanya sa industriya ng coconut, durian, fertilizer, at livestock ngayong may mga kasunduang napirmahan na sa ilan sa mga ito.