IPINAHAYAG ng mga negosyante sa bansang Thailand ang kanilang kahandaan na mamuhunan sa sektor ng pagkain at imprastruktura sa Pilipinas.
Ito ayon sa Office of the Press Secretary (OPS), na bunga ng pulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at iba pang mga opisyal ng pamahalaan sa Thailand.
Bahagi ang naturang meeting ng pagbisita ng delegasyon ng Pilipinas para sa APEC Summit noong Nobyembre 16-19.
Ibinahagi ng OPS na ayon sa Federation of Thai Industries, ang pinalakas na pakikipagnegosyo ng Pilipinas at Thailand ay malaking tulong upang lalaguin ang ekonomiya ng dalawang bansa, bilang mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Saad pa ng pederasyon, partikular na nakahanda silang mamuhunan sa sektor ng transportasyon at suportahan ang pag-promote ng turismo, gayundin ang pagpapa-ibayo sa business sector.
Samantala, lubos namang ikinatuwa ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ang mga bagong oportunidad na nabuksan dahil sa pagbisita ni Pangulong Marcos sa Thailand.