KAGAYA na lamang sa post ni Emran Home, kinukwestyon nila ang pamahalaan kung bakit itinaas sa alert level 3 ang sitwasyon sa Lebanon.
Sa ilalim kasi ng alert level 3 ay maaari silang boluntaryong umuwi ng Pilipinas sa ilalim ng Repatriation program na iniaalok ng Gobyerno ng Pilipinas.
‘Yun nga lamang kapag nakauwi na sila sa Pinas, malabo na silang makabalik sa Lebanon.
Hiling nila alisin ang alert level status upang pagdating ng panahon ay makakabalik pa sila sa naturang bansa.
Hindi rin nila ninanais na umalis ng Lebanon na walang kasiguraduhan na pagkakakitaan sa Pinas.
Habang si Joseline at Norma na pawang nasa edad na ay nagtatanong kung mabibigyan pa rin ba sila ng pagkakataon ng panibagong trabaho.
Kaya’t pati sila ay nagda-dalawang isip kung kailangan na ba talaga nilang lumikas.
Sabi naman ni Indhaii maraming mga OFW ang nais na umuwi sa Pinas pero ang kanilang dokumento kasama ng kanilang pasaporte ay hawak ng kanilang amo.
Ibig sabihin marami sa kanilang mga employer ang ayaw pa silang palikasin.
Hinihiling din nila na sana itaas na lang sa alert level 4 o mandatory repatriation upang mapilitan ang kanilang employer na makasama silang umuwi sa Pinas.
Ang iba naman nagtataka kung bakit sila palilikasin na maayos naman ang sitwasyon nila sa kanilang lugar kasama ang kanilang mga employer.
Marami din ang nagtatanong, ano na ba nangyayari sa lebanon?
Sa isang post sa social media, nananawagan ang Philippine Embassy ng Beirut sa mga Pilipino na agad na lisanin ang lebanon habang bukas pa ang paliparan.
Pinapayuhan din ang mga Filipino Nationals na unahin ang kanilang kaligtasan at umalis sa Lebanon sa madaling panahon.
Habang ang hindi kayang lumikas sa Lebanon ay inirerekomenda ng Embahada na lumikas sa mga ligtas na lugar sa labas ng Beirut, South Lebanon, at Bekaa valley.
Nitong nakalipas na araw, ang Embahada ng Pilipinas sa Lebanon ay nagsasagawa ng One-Stop-Shop na Serbisyo para sa mga Filipino National sa Pakikipagtulungan sa OWWA-Lebanon.
Ang naturang programa ay naglalayong magbigay ng mga mahahalagang welfare programs at consular services ang Filipino nationals sa Lebanon.
Sinabi ng Embahada ang inisyatibong ito ay bahagi ng patuloy na pag-update ng Embassy sa contingency plan para maabot ang mas maraming Filipino nationals na hindi makabisita sa Embassy sa Beirut dahil sa iba’t ibang mga hadlang.
Binigyan diin din ng Embahada ang kritikal na kahalagahan ng pagiging handa kung sakaling magkaroon ng mga emergency.
Kabilang sa one-stop-shop services sa panahon ng outreach activity ang passport renewals, applications for lost passports, civil registrations, overseas voting registration, at OWWA membership renewals.
Mahigit 200 OFWs ang nag-avail ng mga serbisyong ito sa one-stop-shop.
Samantala, una na rin sinabi ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na tatanggap ng P150-K tulong pinansyal ang mga pilipinong makakauwi sa Pinas galing Lebanon bukod pa sa iba’t ibang programa na iniaalok ng pamahalaan.
‘‘We serve everybody, documented or undocumented,’’ ayon kay Sec. Hans Leo Cacdac, DMW.