Mga pampublikong gusali sa Quezon City, gagawing solarized

Mga pampublikong gusali sa Quezon City, gagawing solarized

KASAMA ang iba pang lungsod na kasapi ng C40 Cities sa buong mundo, papaigtingin pa ng Quezon City ang mga programa nito upang maisulong ang isang malinis, ligtas, at eco-friendly na lungsod.

Sa ilalim ng pakikipagtulungan at suporta ng UK government, nakatakdang isulong sa lungsod ng Quezon ang solarized public building bilang tugon sa lumalalang kaso ng climate change sa bansa.

Paraan ito para mabawasan ang sobrang paggamit ng kuryente ng lungsod na isa sa mga nagpapahirap lalo na sa mga ordinaryong mamamayan nito.

Bilang kaisa-isang lungsod na miyembro ng C40 Cities sa mundo, tiniyak ng lokal na pamahalaan na magiging matatag sila para sa iba’t ibang industriya, trabaho at mas malusog na pamumuhay ng mga taga-Quezon City lalo na mula sa hamon ng pabago-bagong panahon.

Kabilang sa mga prayoridad ng solarization ng lungsod ang tatlong pinakamalalaking ospital nito gaya ng Quezon City General Hospital, Rosario Maclang Bautista General Hospital at Novaliches District Hospital.

Mula sa nasabing plano, binigyang-diin ng Quezon City LGU na ang paggamit at pagpapalaganap ng ganitong uri ng teknolohiya ay makatutulong sa pangangalaga sa ating daigdig, gayundin sa pag-iwas sa negatibong epekto ng climate change.

Sa ilalim ng kasunduan, maglalaan ang UK government ng 27.5 million pounds para pondohan ang mga programa ng iba pang member ng C40 Cities sa bawat nitong climate change programs.

Follow SMNI News on Twitter