Mga pangako ni Pangulong Duterte noong 2016 campaign, naisakatuparan —Panelo

Mga pangako ni Pangulong Duterte noong 2016 campaign, naisakatuparan —Panelo

MATAGUMPAY na naisakatuparan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kanyang mga pangako sa taumbayan noong 2016 nang nangangampanya pa lamang ito.

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, naisakatuparan ng Punong Ehekutibo ang mga ipinangako nitong magkaroon ng komportableng pamumuhay ang mamayang Pilipino.

Iniisa-isa ni Panelo ang ilan sa accomplishments ni Pangulong Duterte katulad na lamang ng paglagda ng Republic Act (RA) 10953 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law; RA 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018; RA 11055 or the Philippine System Identification System Act; at ang RA 11203 o ang Rice Tariffication Law.

Ilan sa mga naisakatuparan ni Pangulong Duterte:

  • Republic Act (RA) 10953 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law
  • RA 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018
  • RA 11055 or the Philippine System Identification System Act
  • RA 11203 o ang Rice Tariffication Law

Dagdag pa ng kalihim, nananatili ang panindigan ni Pangulong Duterte sa kanyang pangako na maging episyente at mabilis ang mga transaksyon sa gobyerno.

Ito’y upang matugunan ang pahirap at hindi kaaya-ayang proseso ng paghahatid-serbisyo sa publiko.

Ginagawa rin lahat ng administrasyong Duterte para makamit ang electronic governance upang mabawasan o maiwasan na ang face-to-face transactions lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Habang ang digital transformation initiatives ng Bureau of Internal Revenue, ay ginagawang mas accessible at convenient ang paghahain at maging ang pagbabayad ng buwis ng mga tao.

Isa rin sa ibinida ni Panelo ang kamangha-mangha at naglalakihang proyektong pang-imprastraktura ng administrasyon sa pamamagitan ng “Build, Build, Build” program.

Binigyang diin din ni Panelo na patuloy na kinikilala at pinuri ang naging performance ni Pangulong Duterte kung saan nananatiling mataas ang trust at approval rating nito sa mga survey.

Kung matatandaan, inihayag ni Pangulong Duterte na wala siyang maipagmamayabang sa naging mga katagumpayan ng administrasyon, sa halip binigyan niya ng pagkilala ang pagsusumikap at dedikasyon ng mga miyembro ng kanyang gabinete sa lahat ng mga naipatupad ng gobyerno.

SMNI NEWS