Mga pasahero sa EDSA Bus Carousel, naperwisyo sa pabago-bagong singil sa pamasahe

Mga pasahero sa EDSA Bus Carousel, naperwisyo sa pabago-bagong singil sa pamasahe

SA kakatapos lang na ‘Libreng Sakay’ program ng pamahalaan sa EDSA Bus Carousel ay tila kakaiba na ang istilo sa pagbabayad ng pamasahe, umalma kasi ang mga pasahero dahil paiba-iba ang isinisingil sa kanila ng mga kundoktor na hindi tugma sa fare matrix na inisyu ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Simula nagkaroon ng libreng sakay sa EDSA Bus Carousel ay dito na sumasakay si Jude papunta sa kanyang tinatrabahuan.

Pero, kamakailan lang nang magtapos ang Service Contracting Program o Libreng Sakay ng pamahalaan kayat balik na muli sa pagbabayad ng pamasahe ang mga pasahero.

Mayroon na ring inilabas na bagong taripa o fare matrix para sa EDSA Bus Carousel para maging gabay ng mga konduktor sa paninigil sa mga pasahero.

Ngunit, kakabalik nga lang ng paniningil sa EDSA Bus Carousel ay tila reklamo na ang idinadaing ng mga pasahero.

Ayon sa pasaherong si Jude, halos araw-araw siya nakaranas ng pabago-bagong pamasahe na hindi tugma sa fare matrix ng LTFRB.

Si Jennifer naman nasa P15 lang ang sinisingil sa kanya ng ibang kundoktor, pero ang iba naman ay halos umabot na ng P30.

Mula Muñoz hanggang Nepa Qmart, nasa P15 lang ang maaaring bayaran ni Kyle alinsunod na rin sa fare matrix.

Ang problema, umaga ng Huwebes parehong ruta siya sumakay ngunit mataas na ang isiningil sa kanya ng kundoktor.

Ang pasaherong si Clane ay nakaranas din ng paiba-ibang singil sa EDSA Bus Carousel pero hindi na lang niya ito inireklamo.

Umapela naman si Attorney Ariel Inton, presidente ng Lawyers for Commuters Safety and Protection sa LTFRB na agad itong aksyunan.

Paliwanag naman ng isang controller sa EDSA Bus Carousel, kaya’t pabago-bago ang sinisingil na pamasahe ay dahil hindi pa gaanong kabisado ng mga kundoktor ang bagong taripa.

Kinukuhanan ng panig ang LTFRB ukol sa sobrang paniningil ng mga kundoktor sa mga pasahero sa EDSA Busway Carousel.

Sa ngayon, ay wala pang inilalabas na pahayag ang LTFRB sa kung anong aksyon ang gagawin dito.

Follow SMNI NEWS in Twitter