Mga pasaherong hinarang dahil sa ‘tanim-bala’, puwede pa ring makalipad— OTS

Mga pasaherong hinarang dahil sa ‘tanim-bala’, puwede pa ring makalipad— OTS

NILINAW ng Office for Transportation Security (OTS) na hindi na hino-hold ang mga pasaherong may nakukumpiskang bala mula sa kanilang mga bagahe lalo na kung ang balang nakita ay nasa isa o dalawang piraso lamang.

Ito ang kinumpirma sa SMNI News ni Kim Alyssa Marquez, ang tagapagsalita ng OTS.

Sinabi niya, naipatupad ang simpleng confiscation policy simula nang umupo si Dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Aminado rin si Marquez na kapag mas marami na ang nakikitang bala sa bagahe ay agad nila itong iniiendorso sa PNP AVSE Group para sa inquiry.

Matatandaan nitong nakaraang linggo, una nang naiulat na muntik nang hindi matuloy ang biyahe ng mag-asawa matapos umanong makitaan ng isang bala ang kanilang bag habang nasa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Itinanggi naman ng pasahero na sa kanila iyon at ipinakita ang lisensiya ng kaniyang baril na kaiba sa balang nakita sa kanilang bag.

Sa huling tala ng OTS, mayroon nang halos apat na libong bala ang nakumpiska nila sa mga pasahero sa NAIA.

Karamihan sa mga nahuhuli nilang pasahero na may dalang bala sa kanilang bag ay mga naka uniporme o may awtorisadong humawak ng baril at ang karaniwan din ay ginagamit na anting-anting ng mga pasahero.

Kaya naman may paalala ang OTS na bago umalis o magtungo sa paliparan ang mga pasahero ay suriin munang mabuti ang laman ng kanilang mga bagahe.

Ilan sa mga OFW, may pangamba pa rin hinggil sa ‘tanim-bala’ sa NAIA

Samantala, ilan sa mga OFW ay nagpahayag ng pangamba hinggil sa posibleng bumalik ang ‘tanim-bala’ sa NAIA, para sa kanila mas kampante sila sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Duterte.

Follow SMNI NEWS on Twitter