KINUMPIRMA ng Department of Justice (DOJ) na ikinokonsidera ng Pilipinas na pumasok sa kasunduan sa United Kingdom (UK) kaugnay sa kapakanan ng mga Pilipinong nakabilanggo doon.
Ipinaliwanag ni Justice Secretary Crispin Remulla na kapag nagtagumpay ang plano o natuloy ang kasunduan ay pauuwiin na sa Pilipinas ang mga Filipino prisoners sa UK para dito na lang harapin o tapusin ang kanilang sentensiya.
Sinabi ni Remulla na isa ito sa mga natalakay noong bumisita sa DOJ noong nakaraang linggo si British Ambassador to the Philippines Laure Beaufils.
Kaugnay nito ay pinag-aaralan na ng DOJ ang posibilidad na prisoner swap o palitan ng mga bilanggo katulad ng ginagawa ng Spain at Philippines.
Sa kasalukuyan aniya ay tinatayang nasa 30 Pilipinong nakabilanggo sa mga British jails ang makikinabang sa proyekto.