NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa mga Pilipino na maging ‘Tourism Ambassadors’ at ‘Top Influencers’ kasabay ng paglunsad ng “Love The Philippines” Tourism slogan.
“And what better way to express that love than directly incorporating it into our country’s newest tourism campaign slogan, Love the Philippines.”
“It will serve as our guidepost for the PH Tourism Industry moving forward,” mensahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr..
Sa kaniyang talumpati sa DOT event sa The Manila Hotel sa lungsod ng Maynila, inanyayahan ni Pangulong Marcos ang mga Pilipino sa loob at labas ng bansa na magsilbing influencer at makiisa sa pagtupad ng mithiin ng gobyerno na gawing tourism powerhouse sa Asya ang Pilipinas.
Binigyang-diin ng Punong-Ehekutibo na pinakamalaking asset ng mga Pilipino ay ang kanilang “genuine warmth” at hospitality.
“I call on the entire Filipino nation to allow yourselves to be our country’s Tourism ambassadors. I enjoin you all to be our country’s promoters, advocates, and if I may borrow a coined term in this age of social media, be our country’s top influences,” dagdag ni Pangulong Marcos.
Samantala, kinilala ni Pangulong Marcos ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng DOT para sa mga tagumpay nito sa pagpauunlad ng industriya.
Pinasalamatan din ng Chief Executive si Tourism Secretary Christina Garcia-Frasco at ang DOT team para sa pinakahuling kampanyang kanilang ginawa upang bigyan ang mga manlalakbay ng magandang karanasan kapag bumisita sila sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Aniya, kasama sa kampanya ng DOT ang mga target tulad ng pagsulong ng mga produkto sa rehiyon, pagbuo ng mas maraming imprastraktura para sa maayos at mabilis na paglalakbay, pagtaguyod ng green movements, at iba pa.
Ikinatuwa rin ng Pangulo na makita ang pinakahuling datos sa katayuan ng sektor ng turismo, na kilala bilang “improving figures” pagdating sa revenue, employment, international arrivals at domestic trips nito.
“All of these are encouraging signs that the Tourism industry in our country as a whole is headed well towards full recovery. It also conveys a strong message to the world that we are ready and fully equipped to welcome tourists, travelers as well as investors,” ayon pa sa Pangulo.
Pinasalamatan din ng Pangulo ang pribadong sektor at lahat ng stakeholders sa industriya ng turismo.
Nitong Hunyo 27, opisyal na inilunsad ang bagong Tourism slogan na “Love The Philippines” sa pangunguna nina Pangulong Marcos at DOT Secretary Frasco.
Ang Enhanced Tourism campaign ay pinalitan ang dating ‘It’s More Fun in the Philippines’ Tourism slogan.
Ipinaliwanag ni Frasco na ang “pag-ibig” ay isang salita na karaniwang iniuugnay ng mga turista sa Pilipinas.
Sa lahat ng bansa kung saan binabanggit ng mga tao ang pag-ibig, ang Pilipinas aniya ang numero uno rito.
Ipinaliwanag din ni Frasco na ang bagong slogan ay magbibigay-daan sa mga Pilipino na ipakita ang kanilang ‘unique brand of hospitality’ sa mundo.
Kasabay ng selebrasyon, pinagtibay ni Pangulong Marcos ang pangako ng administrasyon na isulong ang industriya ng turismo sa bansa, na inilarawan niya bilang isang potensiyal na haligi ng ekonomiya gaya ng pananaw ng kaniyang yumaong ama, si Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr.
Noong 1973, lumikha ang nakatatandang Marcos ng bagong cabinet-level DOT sa pamamagitan ng paghahati sa Department of Trade and Tourism sa dalawang magkahiwalay na departamento.
Samantala, ang DOT sa pamamagitan ni Frasco, ay binigyan ng isang special plaque of appreciation si Pangulong Marcos upang parangalan ang kaniyang ama, ang yumaong Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.
Ito ay bilang pagkilala sa mga kontribusyon ni Marcos Sr. para sa Tourism industry, lalo na sa paglikha ng DOT 50 taon na ang nakararaan.
Ang launching ng Tourism slogan ay kasabay ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng Department of Tourism.