DAHIL nananatiling walang kasiguraduhan ang pamumuhay sa Lebanon, inalok ng Philippine Embassy sa Beirut ang mga Overseas Filipino Worker (OFW) na kasalukuyang nasa Lebanon na maaaring tumanggap ng welfare assistance mula sa Philippine government.
Sa post ng embahada ng Pilipinas sa Beirut, dapat na sundin ng mga nais na mag-avail ng welfare assistance ang mga requirements at kumpletuhin ang mga hinihinging impormasyon sa Google Form.
Dapat ding gamitin ang impormasyon ng isang aplikante ang kaniyang valid Philippine passport.
Maaari lamang magparehistro sa Google Form link hanggang Agosto 15, 2024.
Matatandaan sa harap ng lumalalang kaguluhan sa Lebanon, patuloy na pinalilikas na ng ilang bansa ang kanilang nationals doon, kabilang na ang Pilipinas.
Nitong nakaraang linggo napauwi ng Department of Migrant Workers (DMW) ang 19 OFWs at tatlong menor de edad na mula Lebanon.
Nagbigay ang OWWA at DMW ng financial assistance sa bawat OFW returnee, kasama ang komprehensibong reintegration at job facilitation services para sa mga oportunidad sa trabaho.
Bukod pa dito, nakatanggap din ng tulong pangkabuhayan mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga skills training vouchers mula sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga nasabing OFW.
Nagbigay rin ang Department of Health (DOH) ng onsite medical assistance upang matiyak ang kalusugan ng mga OFW na umuwi.
Nasa kabuuang 1,085 OFWs at 43 dependents ang napauwi ng gobyerno ng Pilipinas mula Lebanon dulot ng Israel-Hamas conflict sa pamamagitan ng pinagsamang pagsisikap ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.