Mga Pinoy na nais mag-avail ng amnesty program sa UAE, diretsong lumapit sa DMW

Mga Pinoy na nais mag-avail ng amnesty program sa UAE, diretsong lumapit sa DMW

PATULOY ang pagtulong ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para sa mga Pilipino na nag-avail ng amnesty program ng UAE.

Ang programa, na nagsimula noong Setyembre 1, 2024, ay pinalawig hanggang Disyembre 31, 2024.

Karamihan sa mga nakauwi na ay mga overstaying sa UAE.

“May proseso kasi ‘yan na hinihintay tayong for clearances, and then for dependents like babies, we also handle their travel documents in coordination with the Embassy and other formalities,” wika ni Usec. Felicitas Bay, DMW.

Sinabi naman ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac na katuwang ang DMW at iba pang ahensiya, tulad ng Department of Foreign Affairs (DFA), sa pagtulong sa pagproseso ng mga aplikasyon.

Nagbibigay rin sila ng matutuluyan sa mga kababayan kung kinakailangan.

“Pero ‘pag nakakuha na ng amnesty approval, then we book them into the flights. So walang problema at all sa proseso. Kung may kailangang bayaran, amnesty application, we pay for it together with the DFA and then ang plane tickets sagot din ng pamahalaan,” ayon kay Sec. Hans Leo Cacdac, DMW.

Nilinaw rin ng DMW na hindi lahat ay mabibigyan ng amnesty, depende sa kaso ng isang OFW.

“So baka may ibang problema at hindi ‘yung amnesty ang problema nila, isosolve ‘yan. Those with pending criminal cases, hindi siya maco-cover ng amnesty. Kailangan ma-solve muna ang kaso,” ani Bay.

Paalala naman ni Cacdac na hindi lamang sa amnesty program tumutulong ang pamahalaan kundi sa lahat ng anumang karampatang tulong na kailangan ng mga OFW sa ibang bansa.

“Sinumang kailangan ng tulong, dumulog lang sa amin. ‘Yung sinasabi na kung gusto nilang humingi ng tulong in the context of the amnesty, kailangan talaga through us, through the embassy, through the PCG, through the MWO. Doon talaga ang daan. ‘Wag pumatol sa kung sino-sino lang nagsasabi na tutulong sa amnesty,” dagdag ni Cacdac.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble