MAHIGIT 4,200 ang kabuuang bilang ng mga nakabotong Filipino voters sa Macau SAR sa loob ng isang linggo simula naitala ang overseas voting nito noong Abril 10.
Walang palyang namonitor ang mga OFW na naging poll watchers sa mga vote counting machines na ginagamit sa nagpapatuloy na overseas absentee voting sa Macau.
Inihayag ng mga OFW poll watchers na sina Lulu at Myla sa SMNI News na mas kakaiba ang botohan ng mga Pilipino sa Macau kumpara sa mga nagdaang taon ng overseas voting.
Anila, mas nagkakaisa ang nasa isang daang poll watcher ng Macau kahit magkakaiba ang mga partido o grupo ng mga ito.
Sa katunayan, maging ang mga OFW doon ay agresibo na ring bumoto kumpara sa mga nakalipas na taon ng election.
Dahil dito, mas mataas ang bilang ng mga Filipino voters sa Macau ang bumoboto.
Sa pinagsanib pwersa ng apat na grupo para sa UniTeam vote protection umabot na sa kabuuang 4,208 ang nag-cast ng boto ng mga OFW sa Macau.
Kung meron man naging problema sa pagboto ng mga kababayan natin sa Macau, ito naman ay agad ding naayos.
Dagdag ni Lulu, dahil sa protocol na inilagay sa hotel kung saan ginagawa ang overseas voting, may magandang sistema na ibinigay ang konsulado sa Macau na dapat lamang sundin ng mga OFW doon.
Kaya aniya, bilang poll watcher at OFW leader ay inaasistehan nila ang mga botante maging ang Philippine Consulate General sa Macau.
Dahil sa maayos naman ang sistema ng pagboto sa Macau hiling naman nila na sana maaga pa lang ay bumoto na maging sa May 9, 2022.
Nasa mahigit 14,000 ang registered Filipino voters sa nasabing special region.
Pero ayon sa mga OFW leaders sa bansa, mula sa nasabing bilang marami rin sa kanila ang nakauwi na ng Pilipinas dahil sa pandemya.
Masuwerte na anila na aabot ito ng walo hanggang sampung libo sa mga Pilipino sa Macau ang makaboboto.