BAHAGYA nang nasisilip ang pag-asang luluwag na ang daloy ng trapiko dahil sisimulan na ang preparatory works para sa EDSA Rebuild sa darating na Hunyo 13, ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan.
Dalawang linggo pagkatapos nito, inaasahang sisimulan na ang mismong rehabilitasyon ng EDSA, kung saan uunahing ayusin ang bahagi mula Pasay hanggang Guadalupe, sa parehong southbound at northbound lanes.
Ito ang magiging pangunahing pokus ng unang yugto ng proyekto.
Uunahin muna ang pagkukumpuni sa bus lane, at nilinaw ni Transportation Secretary Vince Dizon na hindi kaagad buong EDSA ang sasailalim sa pagkukumpuni kundi kada isang linya lamang ng kalsada.
Kasabay nito, inilatag na ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Transportation (DOTr), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga hakbang upang maibsan ang epekto ng proyekto sa mga motorista at komyuter.
Kabilang sa mga hakbang na ito ang libreng toll sa Skyway Stage 3, dagdag na 100 bus units para sa EDSA Busway, karagdagang mga tren sa MRT-3, pagsasagawa ng odd-even scheme sa EDSA, at paglilinis sa mga alternate route mula sa mga sagabal o obstruction.
Ipagbabawal din ang mga truck at provincial buses sa EDSA tuwing peak hours at papayagan lamang ang mga ito mula 10:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga.
Tatanggalin din ang bike lane separators upang madagdagan ang espasyo sa daan.
Inaasahang matatapos ang buong EDSA Rebuild sa taong 2027.