Mga prayoridad na programa ng bagong DTI Chief, inilatag

Mga prayoridad na programa ng bagong DTI Chief, inilatag

ISINAGAWA na ang turnover ceremony sa pagitan ng dati at bagong pinuno ng iba’t ibang ahensya sa ilalim ng Marcos administration.

Sa gitna ng pagsasalin ng kapangyarihan sa bagong administrasyon, ay tuloy-tuloy ang pagbabantay ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga pangunahing presyo ng bilihin.

Sinabi ni DTI Undersecretary Ruth Castelo na epektibo pa rin ang umiiral na suggested retail price (SRP) at hindi ito magagalaw.

Kaugnay nito, iniulat ni Castelo na nagkaroon na ng turnover ceremony noong Miyerkules sa pagitan nina dating Secretary Ramon Lopez at bagong kalihim ng DTI na si Alfredo Pascual.

Ibinahagi ni Castelo ang mga prayoridad na programa ng bagong pinuno ng ahensya.

Kabilang aniya rito ang patuloy na pagpapatupad ng ‘ease of doing business’ kung saan nais ng bagong secretary na magiging digital na ang lahat ng sistema sa DTI.

Ito ay upang hindi nakadudulot ng malaking pagkaantala sa mga ginagawang aplikasyon ng mga konsyumer.

Kasama rin sa prayoridad ni Pascual ang hanay ng manufacturing sector.

Bukod sa ease of doing business at manufacturing sector, ay prayoridad din ng bagong DTI chief ang pagde-develop ng regional industries, Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs), foreign direct investment at pagpapa-ibayo ng pag-export ng mga produkto.

Saad ni Castelo, ang mga nabanggit ay ang mga programa na natalakay ni Pascual sa naganap na turnover ceremony na may layong makapagbibigay ng mas higit pa na serbisyo sa nakararami.

Samantala, ngayong araw naman, Hulyo 1, isinagawa ang simpleng turnover ceremony sa pagitan nina dating acting Secretary Mercado at bagong kalihim na si Secretary Manuel Bonoan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ginanap ang naturang seremonya sa DPWH Central Office Multi-Purpose Hall sa lungsod ng Maynila.

Sa isang mensahe, hinikayat ni Binoan ang mga opisyal ng DPWH na magtulungan at patuloy na magtrabaho bilang isang team.

Sa gitna ng kwalipikasyon at karanasan ni Bonoan bilang isang professional civil engineer at pagkakuha ng kaalaman mula sa kanyang karera sa public at private sector noon, ay tiwala si President Ferdinand R. Marcos Jr. na maipagpapatuloy nito ang flagship projects ng administrasyong Duterte na Build, Build, Build program at isulong ang bagong infrastructure initiatives.

Samantala, pagkatapos ng turnover ceremony, agad na pinulong ni Bonoan ang Undersecretaries at Assistant Secretaries maging ang Regional Directors, Bureau Directors, Service Directors, at Project Directors para ilatag ang kanyang mga prayoridad at mga programa sa ahensya.

Sa kabilang dako, nagsagawa rin ng official turnover sa pagitan nina dating Transportation Secretary Art Tugade at bagong kalihim ng ahensya na si Secretary Jaime J. Bautista ngayong araw, Hulyo 1.

Ginanap ang naturang seremonya sa  DOTr Clark Head Office sa Pampanga.

Kasunod nito, ay agad nagsagawa ng command conference sa mga pinuno ng iba’t ibang DOTr attached at line agencies.

Una nang nagpahayag ng suporta si Tugade sa kanyang successor na si Bautista, lalo’t nangako rin ang bagong kalihim na ipagpapatuloy nito ang “big-ticket” projects at mga polisiya ng departamento.

Nitong Huwebes, Hunyo 30, nagsagawa ng mass oath-taking ceremony para sa cabinet secretaries-designate sa Palasyo ng Malakanyang na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

 

Follow SMNI News on Twitter