Mga proyektong hindi natapos ng DPWH at patuloy na pagbaha pinuna ni Sen. Revilla

Mga proyektong hindi natapos ng DPWH at patuloy na pagbaha pinuna ni Sen. Revilla

PINUNA ni Senate Committee on Public Works Chairman Senador Ramon Bong Revilla, Jr. ang mga hindi natapos na mga proyekto ng Department of Public Works and Highway (DPWH), patuloy na pagbaha sa mga lansangan at sobrang taas ng presyo ng mga gusali sa isinagawang pagdinig o organizational meeting ng Senado.

Sa naturang pagdinig inusisa ni Revilla ang mga flagship project ng DPWH upang ilatag ang mga plano sa mga hindi pa natapos na proyekto.

Ayon kay Revilla hindi maaaring magbingi-bingihan o magbulag-bulagan na lamang sila sa mga hinaing ng mga kababayan sa tulad ng kanyang mga napuna sa pagdinig.

Sinabi rin ng batikang mambabatas na dapat ay laging may accountability sa pagtatayo ng ganitong imprastraktura dahil bilyon-bilyong piso galing sa kaban ng bayan ang nilulustay rito.

“When we speak of public infrastructure we also know it entails billions of public funds. This is why as we work hand in hand in providing projects for the people we have to guarantee that it is always guided by accountability. Projects must be carried through to the finish line and if not people responsible for the delays and failures should be held to account,” pahayag ni Senator Revilla.

Iginiit ni Revilla sa DPWH na dapat na tiyaking mas maraming matibay na maitatayo na istraktura at pasilidad upang maging permanenteng solusyon at hindi paulit-ulit ang pagkasira ng mga kalsada at pagbaha sa mga lansangan tuwing umuulan.

Aniya ng senador dapat tamang proyekto, sa tamang presyo, na tama ang kalidad, sa tamang oras ang ipatupad ng naturang ahensiya.

Inusisa rin ni Revilla sa naturang pagdinig kay DPWH Sec. Manuel Bonoan ang plano ng ahensiya sa mga imprastrakturang labis na naapektuhan ng lindol nitong nakaraan sa Cordillera Administrative Region.

Kinuwestiyon din ng mambabatas kung magkano ang balak ilaan ng gobyerno sa planong pagbangon, kung saan sinagot naman ng DPWH na aabot ito sa lagpas P1-B.

Dahil sa tagumpay ng “Build, Build, Build” Program ng administrasyon ng dating Pangulong Duterte, hinikayat din ni Sen. Revilla ang DPWH na ituloy ang mga plano at nasimulan nang proyekto ng nakaraang administrasyon, at patuloy na suportahan ang mga polisiyang pang-imprastraktura ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

“All matters relating to planning, construction, maintenance, improvement and repair of public buildings, highways, bridges, roads, ports, airports, harbors and parks; drainage, flood control and protection; and irrigation and water utilities,” ayon sa inilahad ng Rule X, Sec. 13 ng Rules of the Senate ang hurisdiksyon ng Committee on Public Works.

Ang komite ay may 13 na miyembro at may 3 na ex-officio na miyembro.

Kasama sa mga dumalo sa nasabing pagpupulong sina Sen. Mark Villar, Sen. Win Gatchalian, Sen. Pia S. Cayetano, Sen. Christopher Lawrence T. Go, and Sen. Joseph Victor G. Ejercito.

Follow SMNI News on Twitter