Mga reklamo sa umano’y Flex Fuel scam, patuloy ang pagdagsa sa NBI

Mga reklamo sa umano’y Flex Fuel scam, patuloy ang pagdagsa sa NBI

PATULOY na nakakatanggap ng reklamo ang NBI laban sa Flex Fuel at sa aktor na si Luis Manzano.

Pero ang isa sa mga complainant, handang iurong ang reklamo kung maibabalik ang ininvest na pera.

Humihingi ng 15 days na palugit ang aktor na si Luis Manzano bago sagutin ang subpoena nang NBI ukol sa umano’y Flex Fuel scam.

Si Jinky Sta Isabel, isa raw sa mga biktima ng umano’y pang-iiscam ng Flex Fuel Petroleum Corporation.

Buwan ng Disyembre ng taong 2022 nang inihain niya ang reklamong syndicated estafa at paglabag sa Security Exchange Commission (SEC) laban sa naturang kumpanya.

Ilang beses na itong pabalik-balik sa NBI sa Quezon City para ifollow up ang kaniyang reklamo at para ihatid na rin ang mga pormal na reklamo galing sa iba pang indibidwal na kapareho raw niyang naloko ng Flex Fuel.

Sa ngayon, nasa 50 na ang reklamo na natanggap ng NBI ukol sa umano’y Flex Fuel scam.

Ayon kay Jinky, 4 na milyong piso ang kaniyang ininvest noong 2020 sa Flex Fuel.

At sa halos 3 taon daw ay 58,000 piso pa lang ang bumalik sa kaniya.

Anila, ang pangako sa kanila ng kumpanya, makakatanggap sila ng share of proceeds sa kada quarter ng taon na nagkakahalaga ng 2,000 US dollars at lifetime passive income.

Binigay raw niya ang buong tiwala sa Flex Fuel lalo pa’t ang aktor na si Luis Manzano raw ang chairman at presidente nito.

Na-recuit daw siya sa pamamagitan ng Facebook advertisement.

At sa kada webinar presentation, ay naroon daw si Manzano na siyang mismong nagbibigay sa kanila ng katiyakan na kikita sila sa oras na sila ay mag invest sa Flex Fuel.

Noong kinutuban itong parang nai-scam ito ay agad siyang tumungo sa SEC.

At doon niya nalaman na hindi pala pinapayagan ang Flex Fuel na maningil ng investment.

Isa sa mga naghain din ng reklamo ay ang OFW na si Leandro Galvez.

Ang kaniyang reklamo ay inihain ni Jinky sa NBI, ganun din ang iba pang reklamo mula sa iba pang investors.

Sa kasakuluyan daw, si Leandro ay siyang may pinakamalaking nainvest sa kumpanya sa lahat ng mga complainant na nagkakahalaga umano ng mahigit 5 milyong piso.

Pero sa kabila rito ayon kay Jinky, handa silang iurong ang reklamo laban sa aktor kung maibabalik sa kanila ang halaga na kanilang nainvest sa Flex Fuel.

Panawagan pa nito sa aktor na makonsensya ito at ibalik ang kanilang pera.

Ang NBI nagpadala ng subpoena laban kay Manzano.

Ang aktor naman ay humiling ng 15 araw na palugit para sagutin ang subpoena at para sa paghahain ng ebidensya.

Una nang sinabi ni Manzano na kahit siya ay naloko ng Flex Fuel at taong 2022 pa raw siya nag-resign bilang chairman ng kumpanya kaya wala raw siyang pananagutan dito.

Follow SMNI NEWS in Twitter