POSIBLENG maapektuhan ng bagyong Paeng ang malawak na lupang sakahan sa pitong rehiyon sa bansa ayon sa Department of Agriculture (DA).
Kabilang sa mga nasabing sakahan ay matatagpuan sa Regions I, II, III, IV-A, IV-B, V at CAR na posibleng daanan ng Bagyong Paeng.
Nasa 1,051,518 ektarya o katumbas ng 70.59% na may pananim ay palay habang 64,336 ektarya o katumbas ng 24. 64% naman ay mais ang posibleng maapektuhan.
Kasabay nito, hinimok Kagawaran ng Pagsasaka ang mga magsasaka na anihin na ang mga matured crop at ilagay sa ligtas na lugar ang mga binhi, at planting materials at iba pang farm inputs.
Habang pinapayuhan ng DA ang mga mangingisda na huwag nang pumalaot sa karagatan dahil sa banta ng Bagyong Paeng.
Samantala, sa latest bulletin ng PAGASA as of 5am, huling namataan ang sentro ng Bagyong Paeng sa 410 kilometro ng Silangan ng Boronggan City, Eastern Samar.
Taglay nito ang hanging aabot sa 75 kilometro kada oras malapit sa sentro at may bugso na 90 kilometro kada oras.
Dahil sa banta ng Bagyong Paeng, inihayag ng Land Transportation Office (LTO) na pansamantalang suspendido ang land travel ng mga sasakyang patungong Masbate, Catanduanes, Visayas, at Mindanao.
Ito ay hangga’t hindi pa maibaba ang warning signals.
Pinapayuhan naman ang publiko na maging alerto at panatilihing nakaantabay sa mga advisory ng mga ahensiya ng pamahalaan.