PINARANGALAN ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. ang 7 sugatan na sundalo ng 6th Infantry Division dahil sa kanilang ipinakitang katapangan sa kasagsagan ng bakbakan laban sa mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) Karialan Faction nitong Abril 24, 2024, sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur.
Pinuri din ni Gen. Brawner ang buong tropa ng 6th Infantry Division dahil sa kanilang hindi matatawarang dedikasyon at sakripisyo para sa seguridad at kapayapaan sa rehiyon.
Kasunod nito, siniguro ni Brawner ang buong suporta ng AFP sa mga sugatang sundalo at ipinangako na matatanggap nila ang medical care at assistance sa kanilang pagpapagaling.
Matatandaan nitong Lunes Abril 22 napatay ng tropa ng 1st Brigade Combat Team kasama ang 1st Scout Ranger Battalion ang mataas na leader ng BIFF – Karialan Faction matapos ang serye ng engkuwentro sa Sitio Pendililang, Kitango, Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur.