KINILALA ni Vice President Sara Duterte ang katapangan, kabayanihan, at paglilingkod ni Sgt. Jernell Ramillano.
Si Ramillano ay ang sundalong nasawi kamakailan sa Balayan, Batangas habang nakikipaglaban sa teroristang New People’s Army (NPA), ang armadong puwersa ng Communist Party of the Philippines (CPP).
Sa mensahe ni VP Duterte, lagi niyang inalala ang tanong sa kaniya ng ina ng isang sundalong pumanaw noong 2018 dahil sa pakikipaglaban sa NPA sa Davao City kung ilang anak pa ba ang mamamatay dahil sa mga teroristang NPA.
Sabi ng pangalawang pangulo na marami pang sundalo ang magbubuwis ng buhay kung ipagsasawalang-bahala ang traydor na CPP-NPA-NDF at maraming kabataan din ang hindi makakapagtapos ng pag-aaral.
“Marami pang Sgt. Ramillano at 1st Lt. Relota ang magbubuwis ng buhay kung ipagsasawalang-bahala natin ang traydor, mapanlinlang, at marahas na kalabang CPP, NPA, at NDFP. Maraming kabataan din ang hindi makakapagtapos ng pag-aaral kung hahayaan natin silang mabiktima ng mga grupong ito upang gawing armadong terorista,” pahayag ni Vice President Sara Duterte, Republic of the Philippines.
CPP-NPA-NDF, walang ibang hangad kundi ang pabagsakin ang gobyerno—VP Duterte
Ipinabatid din ni VP Duterte sa publiko na walang ibang hangarin ang CPP-NPA-NDF kundi ang pabagsakin ang gobyerno.
“Mga kababayan, gusto kong malaman ninyo na ang tanging layunin ng CPP, NPA, at NDFP ay sirain ang pundasyon ng ating demokrasya, pabagsakin ang mga institusyon ng pamahalaan, at kaladkarin tayo sa kahirapan, kaguluhan, at kawalan ng hustisya,” diin ni VP Duterte.
Dagdag pa ng pangawalang pangulo na hindi na dapat bigyang-atensiyon ang mga teroristang sa matagal na panahon ay naging hadlang upang tayo ay mamuhay nang mapayapa at at tamasahin ang pag-unlad ng mga komunidad.
VP Sara, ipinaabot ang pakikiramay sa pamilya ng nasawing sundalo sa Batangas
Ipinaabot naman ni VP Duterte ang kaniyang pakikiramay sa pamilya ni Sgt. Jernell Ramillano at binigyang pugay sa serbisyong ipinamalas ni Jernell para sa Pilipinas.
“Mananatili sya sa puso at isipan ng bawat Pilipino at ang kanyang katapangan at pagmamahal sa bansa ay magsisilbing inspirasyon ng bawat isa sa amin upang mas mapabuti pa ang paglilingkod sa bayan,” aniya.