HINIKAYAT ni outgoing Manila Mayor Francisco Isko Moreno Domagoso ang mga batang Manileño na suportahan ang liderato ng susunod na alkalde ng lungsod na si Vice Mayor Honey Lacuna.
Sa kanyang huling flag ceremony bilang alkalde ng lungsod, kumpiyansa si Manila Mayor Isko Moreno na kaya ni Dr. Honey Lacuna na patakbuhin ang lungsod.
Ngunit kailangan aniya ni Dr. Lacuna ang suporta ng lahat ng Manileño upang tuloy-tuloy ang serbisyo at maging matagumpay.
Kasabay nito ay nanawagan si Moreno sa mga taga-lungsod na suportahan ang susunod na administrasyon ni incoming President Ferdinand Bongbong Marcos Jr.
Dagdag din niya na tapos na ang halalan at kailangang isipin ang tagumpay ng pamumuno ni Pangulong Marcos.
Paalala ni Moreno, huwag ipanalangin na bumagsak o mabigo ang susunod na Pangulo dahil kapag bumagsak ang kanyang pamumuno ay babagsak ang pamahalaan at apektado ang sambayanang Pilipino.
Mahigpit ding paalala ni Moreno na sa pagpasok ng mga bagong pinuno ay panatilihin ang karakter sa pagharap sa lahat ng pagsubok dahil ito ang pinakamahalaga.
Sa kanyang huling talumpati, pinapurihan ni Moreno ang mga kagawad ng Department of Public Safety, dahil sa kanilang araw-araw na pamumulot ng mga basura hindi lamang sa mga kalsada kundi maging sa mga ilog at creeks.