MAINIT na tinanggap ng mga taga-Davao del Norte si Governor Edwin Jubahib ngayong siya ay balik-opisina na.
Natapos na kasi ang 90-day preventive suspension na ipinataw sa kaniya ng Office of the President at ng Department of Interior and Local Government.
Para kay Aling Helen na residente ng Tagum City, ikinatuwa nila ang pagbabalik ng gobernador dahil aniya naramdaman ng mga taga-DavNor na walang isang residente na napag-iiwanan sa ilalim ng kaniyang pamamahala.
‘’Mula nang siya ay umupo nakita namin na mula sa maliliit nakita namin na ang kaniyang pagtulong ay sinsero, bukal loob siyang tumulong sa kapwa. Galing sa maliliit nakabenepsisyo, nabigyan talaga niya ng halaga. Walang napag-iwanan, kumbaga sabay sabay tayong umangat,’’ ayon kay Helen Andaya Agpasa Residente ng Tagum City.
Malaking bagay naman para sa mga miyembro ng tribong Ata-Manobo ang pagbabalik-opisina ni Governor Jubahib.
Ito anila ay para maipagpatuloy ng gobernador ang mga programa at proyektong inilaan para sa kanilang mga katutubo.
‘’Hindi kami pinabayaan. Nang maupo si Governor, nakita namin ang mga proyektong dumating sa amin: eskwelahan, tulay, kalsada, pabahay, tubig—lahat ng maaaring maibigay ng gobyerno ay tunay naming natanggap,’’ ayon kay Edgar Mantayona Ata-Manobo.
Dagdag pa ni Mang Edgar, naging mapayapa ang kanilang lugar dahil tinutukan mismo ng gobernador ang peace and order sa buong probinsiya.
‘’Tunay na mapayapa ang aming lugar simula nang maging gobernador si Kuya Gov dahil sa kapayapaan at kaayusan. Naging mapayapa talaga ang aming lugar pagdating sa NPA. Nawala talaga ang NPA sa aming lugar,’’ saad ni Edgar Mantayona Ata-Manobo.
Hiling naman ng taga-Davao del Norte para sa mga nag-aasam na palitan si Governor Jubahib — idaan ito sa tama at legal na proseso at huwag mamulitika.
‘’Dapat lang na ipadaan nang patas, sa pamamagitan ng mga desisyon ng mga tao. Kung may kakayahan sila, hintayin natin sa 2025. Ito kasi ay tila pag-abuso sa paraan ng pamumulitika, panggigipit, at pang-aapi sa panig ni Kuya Gov.,’’ ani Brgy. Chairman Ruel Bantillo President, Association of Barangay Captain – IGACOS.
Ikinatuwa ni Governor Jubahib ang mainit na pagsalubong sa kaniya ng mga residente ng Davao del Norte.
‘’Nakikita ko na talagang gustong gusto ng taumbayan ng davao del norte na makabalik na ako sa pwesto bilang kanilang governor ng kanilang probinsiya,’’ ayon kay Governor Edwin Jubahib Davao del Norte.
Tiniyak naman ni Governor Jubahib na sa kanyang pagbabalik-opisina ay ipatutupad niya ang mas maraming proyekto at programa para sa mas lalo pang ikauunlad ng probinsiya.
‘’Ipagpatuloy natin yung mga programs natin for infrastructure, social services, at tsaka agriculture, livelihood programs para sa mga walang trabaho. Para lahat sama-sama na kumita dito sa Davao del Norte,’’ saad nito.