WALANG problema kung makumpleto ang signature campaign basta’t aminin ng mga miyembro ng Kamara na sila ang pasimuno sa nangyayaring People’s Initiative (PI).
Ito ang hamon ni Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa mga mambabatas sa Mababang Kapulungan.
Aniya, posibleng mayroong ibang agenda kaugnay rito dahil hindi maamin-amin ng Kamara na sila ang pasimuno kahit pa may mga senyales nang sila ang nangunguna rito.
Nitong Lunes, Enero 22 ay sinabi ng senador na ipinagbigay-alam sa kaniya ng isang miyembro ng Kamara na ang pagtataguyod ng PI ay utos mula kay House Speaker Martin Romualdez.
Itinanggi ito ni Romualdez at paliwanag nito na facilitator ang Kamara sa democratic process ng PI at kasama na rito ang pangongolekta ng mga lagda ng botante.