Mga taga-suporta ni VP Sara Duterte, nadismaya sa walang tigil na pag-atake sa VP

Mga taga-suporta ni VP Sara Duterte, nadismaya sa walang tigil na pag-atake sa VP

NAGPAHAYAG ng pagkadismaya ang mga taga-suporta ni Vice President Sara Duterte sa walang tigil na paninira laban sa pangalawang pangulo.

Hindi nagdalawang-isip ang senior citizen na si Aling Utropia na sumali sa pagtitipon ng mga taga-suporta ni VP Sara sa Liwasang Bonifacio sa Maynila nitong Sabado ng gabi.

Sabi ni Casicas, nakakadismaya ang patuloy na atake kay VP Duterte gayong ginagawa naman nito ang kaniyang trabaho.

“Susuporta po kami kay Vice President Sara Duterte kasi sa mga ginagawa po nilang paninira. Bakit hindi po nila tingnan ang mga ginagawa?” ayon kay Utropia Casicas, Supporter-Vice President Sara Duterte.

“Nasasaktan po kami dahil hindi po nila dapat siraan,” dagdag ni Casicas.

Ayon kay Daniel Nobleza ng Inday Sara Na! Movement, nagtipon sila para maipakita na hindi lamang ang mga taga-Davao City ang handang protektahan si VP Duterte kundi ang mga taga-Metro Manila rin.

Hindi na nga aniya sila nagtataka kung saan nanggagaling ang galit ng mga naninira kay VP Duterte.

“Kaibigan po kasi namin si VP. At bilang po kaibigan, masakit po na makikita mo ‘yung kaibigan mo nagtatrabaho po nang tama, wala pong masamang sinasabi pero araw-araw, segundo-segundo siyang sinisira ho ng ibang tao na hindi po namin malaman kung saan po nanggagaling po ‘yung galit na ‘yun sa kaniya,” ayon kay Daniel Nobleza, Inday Sara Na! Movement.

Nanawagan si Nobleza sa mga patuloy na naninira kay VP Duterte na tigilan na nila ang kanilang mga ginagawa.

Imbes na manira aniya ay pagtuunan na lang ng pansin ang mga Pilipinong nagugutom at naghihirap.

Mga tagasuporta ni VP Sara, nanawagan kay Pangulong Marcos na protektahan si VP Sara

Panawagan naman nila kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. protektahan si VP Sara.

“Sir, pakitulungan lang po si VP Sara sa mga nangyayaring ito. Kung ano po tayo noong UniTeam, sana ganoon pa rin po. Alam naman po namin na ganoon pa rin naman po lalo na ‘yung pagturing niyo po sa kaniya. Ang ikinakasama lang po ng loob namin ‘yung ibang tao talaga po na naninira sa kaniya. Protektahan niyo naman po siya,” wika pa ni Nobleza.

Kung magpapatuloy nga anila ang mga paninira laban sa pangalawang pangulo ay hindi sila titigil sa pagpahayag ng kanilang suporta kay VP Sara.

Follow SMNI NEWS on Twitter