NITONG buwan ng Setyembre, limang tapat na kawani ng Office for Transportation Security (OTS) ang tapat na nagsauli ng mga gadget at cash na naiwan ng mga pasahero sa iba’t ibang paliparan sa Pilipinas.
Nitong Setyembre 13, 2024, natagpuan ni Checkpoint Supervisor (CPS) Joanne Ruales ang isang iPhone na naiwan ng pasahero sa loob ng tray sa security screening checkpoint ng Tacloban airport. Ang item ay inanunsiyo sa pamamagitan ng paging system ng paliparan, na nag-udyok sa pasahero na bumalik sa checkpoint ng security screening para kunin ang naiwang item.
Kinabukasan, Setyembre 14, natagpuan ni SSO Genevie Malutao ang isang laptop na naiwan sa NAIA Terminal 4 security screening checkpoint. Ang laptop ay isinauli sa pasaherong patungo ng Cebu via Cebu Pacific Flight number 5J 609.
Sa parehong araw, isa pang laptop ang ibinalik ng OTS sa isang pasaherong patungong Kuala Lumpur sa pamamagitan ng Philippine Airlines Flight number PR 529.
Sa checkpoint security screening ng Clark International Airport, isang pasaherong patungong Doha, Qatar na nakaiwan din ng smartwatch, ngunit ibinalik ito ni SSO Capulong Elezer.
Nitong Setyembre 23, ibinalik ni Security Screening Officer (SSO) Inno Josapath Galedo ang isang sling bag na naglalaman ng mga mobile phone, personal identification card, at humigit-kumulang labintatlong libong piso (₱13,000) na cash sa isang pasahero na naiwan sa security screening checkpoint sa NAIA terminal-3. Isang pasahero patungong Davao ang nagmamay-ari ng naturang gamit.
Ang mga pasahero ay nagpahayag ng kanilang pasasalamat sa mga tauhan ng OTS para sa kanilang katapatan at sa pag-iingat ng mga item bago ito tuluyang maibalik sa nararapat na may-ari.
Sinabi ng OTS na nakatakdang tumanggap ng Certificate of Recognition ang mga “honest worker” sa darating na Lunes at maaari din itong maging tulay para sa kanilang promotion pagdating ng panahon.
Samantala, kinilala naman ni OTS Administrator Undersecretary Crizaldo O. Nieves ang pagsisikap ng mga tauhan nito sa pagpapatunay ng integridad ng airport’s security screening protocols sa paliparan, na tinitiyak ang tiwala sa air transportation.
“OTS SSOs diligence and attention to detail are crucial in keeping our airports secure, and I am grateful for their honesty in performing their critical role,” wika ni Usec. Crizaldo O. Nieves, Administrator, Office for Transportation Security.