LAGLAG-bala o tanim-bala, pagnanakaw sa pera o mga mamahaling kagamitan ng mga pasahero at mayroon pa ngang kinain ang pera.
Ilan lamang ito sa mga modus na umiiral sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na ikinababahala ng mga manlalakbay na dumarating sa paliparan.
Sinabi ni Manila International Airport Authority (MIAA) spokesperson Atty. Chris Bendijo, ang mga nasabing isyu ay may kaugnayan sa Office for Transportation Security (OTS).
Sa ilalim ng pamumuno ngayon ng pribadong sector sa NAIA, mananatili pa rin ang mga ahensiya ng gobyerno na mag o-operate sa NAIA kabilang na ang OTS.
Tiniyak din ni Bendijo bago pa man ang transition sa pribadong sektor, marami nang ipinakilala na mga patakaran at polisiya ang MIAA sa OTS.
Kaya naman ang mga nasabing modus ay tuluyan nang matitigil.
“So ‘yung kanilang mga proseso na tinataas ang kanilang mga kamay na wala silang hawak, ’yung kanilang area ay may CCTV doon at ‘yung polisiya na bubuksan lamang ang bagahe sa presensya ng pasahero pati na rin ‘yong pagkaka-automate, paghihiwalay ng bagahe kung makitaan ng prohibited items. Lahat ito na-introduce even before the privatization,” wika ni Atty. Chris Bendijo, Spokesperson, MIAA.
Sa bagong pamumuno ngayon ng NNIC sa maintenance at operation ng paliparan, isa sa prayoridad dito ang ipatupad ang mas mahigpit na seguridad.
“Ngayon pong nandito na ang pribadong sector at ang security ng ating paliparan ay kanilang primary function din, makakaasa pa rin tayo na baka mas mahigit pa ang kanilang ipatupad na proseso dito nang sa gayun masigurado natin na wala nang ganitong mga modus, sindikato sa ating mga paliparan,” dagdag ni Bendijo.
Sabi rin ni Bendijo sa nakapaloob na concession agreement, ang Airport Police Department ay mananatili sa MIAA, dahil dito ang traffic management sa paliparan ay mananatiling saklaw ng naturang ahensiya.
Kaya naman bilang regulator sa pagpapatakbo ng paliparan, hindi rin palalampasin ng MIAA ang mga abusadong driver partikular na ang humihingi ng sobrang taas na pamasahe.
“Sa loob siguro ng linggong ito o kung hindi man sa susunod na linggo, mayroon tayong ipapatupad na substantial na pagbabago dito at nang sa ganun masigurado natin na talagang wala na itong abusadong driver dahil alam po natin napakasama ng epekto nito kung ito ang unang mararanasan ng ating mga turista sa ating bansa, hindi ito maganda,” aniya.