Mga text scammers, napapanahon nang tugisin—Sen. Poe

Mga text scammers, napapanahon nang tugisin—Sen. Poe

NAPAPANAHON nang tugisin ang mga scammers ayon kay Senator Grace Poe.

Sinabi ni Sen. Poe na maaari nang tutukan ng mga awtoridad ang pagtugis sa mga scammer na patuloy na nanloloko sa publiko gamit ang subscriber identity module (SIM) ng mga mobile phones.

Sa pagtatapos ng SIM registration noong Hulyo 25, sinabi ni Poe na hindi na magagawa ng mga scammer ang kanilang mga panloloko  nang hindi nasusubaybayan at napapanagot.

“The end of SIM registration, signals the beginning of intensified crackdown on mobile phone scammers,” pahayag ni Sen. Grace Poe.

Ayon kay Poe, na siyang author at sponsor ng SIM Registration ACT, ang katapusan ng SIM Registration ang hudyat ng umpisa sa maigting na pagtugis sa mga mobile phone scammers.

“Hamon sa law enforcers na maipakita kung paano masasampulan ang mga lumalabag sa SIM Registration Law,” dagdag ni Sen. Poe.

Umaasa si Poe na masasampulan ng mga awtoridad ang mga lumalabag sa nasabing batas.

Ipinunto rin ni Poe, chairperson of the Senate Committee on Public Services, na sa pamamagitan ng SIM Registration Law ay may sapat nang mekanismo at datos ang mga kinauuukulan para sa pag-monitor sa mga krimen na may kaugnayan sa SIM.

“Hindi na mangangapa sa dilim ang PNP kapag may nag-report ng text scam.”

 “Kaakibat nito, inaasahan natin ang mabilis na pag-responde sa mga sumbong para mapanatag naman ang ating mga kababayan,” ani Poe.

Ang SIM Registration Law ay may layuning wakasan ang mga krimen na may kaugnayan sa text scam sa pamamagitan ng mandatoryong pagpaparehistro ng SIM.

Inaatasan nito ang lahat ng mga telecommunication companies na magsumite ng verified na listahan ng kanilang mga awtorisadong dealer at ahente sa buong bansa sa National Telecommunications Commission at i-update ang nasabing listahan sa bawat quarter ng kada taon.

Kaugnay nito ay tiniyak ni Poe sa publiko na ang batas ay nagbibigay rin ng proteksiyon sa right to privacy ng mga mamimili para sa ligtas na paggamit ng mobile phone.

Inaasahang sisimulan ng pamahalaan ang pag-deactivate ng mga hindi rehistradong mobile numbers na magreresulta sa pagkawala ng mga serbisyo tulad ng pag tawag ay data at text, maliban kung muling i-activate ang kanilang SIM.

May limang araw naman na palugit ang mga may-ari ng mobile number para i-activate muli ang kanilang SIM sa pamamagitan ng pagpaparehistro, o kung hindi, ay i-block ng telco provider ang numero nang tuluyan.

“We must give chance to those who only lacked the means to register while denying those who have vile motives,” ayon pa kay Poe.

Hinimok ni Poe ang mga telcos na ipagpatuloy ang pagtulong sa mga lehitimong mobile users na mangangailangan ng tulong para muling pag-activate ng kanilang SIM sa ibinigay na panahon.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter