Mga tindera ng bigas, tinitiis na lang ang kaunting kita na P2-P4 sa kada kilo ng bentang bigas

Mga tindera ng bigas, tinitiis na lang ang kaunting kita na P2-P4 sa kada kilo ng bentang bigas

TINITTIIS ng mga tindera ang mababang kita sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bigas.

Hirap na hirap na aniya sa buhay si Marife Balog lalo na kung presyo ng mga pagkain ang pag-uusapan.

Sa buong araw na kasi niyang pagtitinda ay uuwi lang siya na may P1,000 na hindi pa sapat para sa kanyang pamilya.

Isda, kaunting gulay at ilang kilong na bigas ang nabili niya sa Pasay Public Market na sasapat lang anila sa kanilang mag-anak sa loob ng dalawang araw.

‘‘Sana naman ay babaan lang nila ang pangtustos sa pang araw-araw, kasi sobrang hirap ng buhay, sobrang hirap ng buhay ngayon, ang mga bilihin sobrang taas,’’ pahayag pa ni Marife Balog, Mamimili.

Sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA), naglalaro pa rin sa P50 hanggang P65 ang presyo sa kada kilo ng bigas.

Sabi naman ng ilang rice retailer, bihira lang silang nakakapagbenta ng bigas na nasa P42 hanggang P45 dahil wala namang gaanong suplay nito.

Luging-lugi nga aniya sila kapag ibinibenta nila ng P45 kada kilo dahil halos puhunan lang nila ang naibalik sa pagtitinda nito.

Pinabulaanan ng mga rice retailer na sila ang dahilan kung bakit tumataas ang presyo ng bigas sa merkado.

Katunayan, nasa P2 hanggang P3 nga lang aniya sa bawat kilo ang kanilang kinikita.

‘‘Dati naman hindi naman ganito kataas ang bigas, depende siguro sa pamamalakad siguro. Kasi kami ay nagugulat din kami biglang tataas ang bigas,’’ ayon kay Chris John Calpe, Rice Retailer.

Lugi talaga kasi expenses mo na lang dito araw-araw magbabayad ka ng upa sa palengke, mga pasahod mo pa sa tao mo.

Rep. Briones: Rice cartel ang dahilan kung bakit mataas pa rin ang presyo ng bigas; Sabwatan ng importer at DA, posible

Una na rin kasing sinabi ng Department of Agriculture (DA) na posibleng nasa mga rice retailer ang dahilan kung bakit hindi ramdam ang mababang presyo ng bigas.

Ang pahayag na ‘yan ng ahensiya ay hindi sinang-ayunan ni Rep. Nicanor Briones ng AGAP Party-list.

Hindi aniya ito magagawa ng mga rice retailer dahil wala naman silang hawak na maraming suplay ng bigas kung ikukumpara sa mga importer at trader.

Posible aniyang may cartel na nagmamanipula sa presyo at sabwatan umano sa industriya ng bigas.

‘‘Ako talaga ang nagbanggit na tungkol sa sabwatan sapagkat napakarami ng import, marami ng stocks ngayon sa bodega 83 days ang stock level.’’

‘‘Ayon doon sa NEDA umaabot ng 3.2 million metric tons. Kung ‘yan ay lalabas at hindi cartel ay dapat ay bagsak ang presyo. Pero, ang nangyayari ang benta natin ngayon ay napakataas pa rin so malinaw na may nakikinabang,’’ ayon naman kay Rep. Nicanor Briones, AGAP Party-list.

May oversupply nga aniya ng bigas at binawasan na rin ang taripa sa 15% at mababa na rin ang presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado.

Sa pagdinig kasi sa Kamara nitong Martes ay ipinaharap ang 10 malalaking importer ng bigas at napag-alaman na ang ilan sa mga ito ay magkakamag-anak lamang.

‘‘Malinaw na isang pamilya ‘yung nakita namin ay dalawa ang kaniyang kompanya na nagi-import ng bigas ay number 2 importer ‘yung pamilya nila. ‘Yun namang isa ay iisang mismo ang may-ari dalawa ring kompanya ang kasama sa top 10 importer ng bigas. Mayroong importer na siya lang ang nakakuha ng permit pero iisa lang ang financer na siya nakakuha ng bigas. So, kung ganon ay puwedeng napakaraming na nag-apply ng import permit ay doon o iisa ang financer at doon lang napupunta ang bigas. So, doon makikita na mayroong cartel sinasakote nila ang bigas, ang mabigat sila na rin ang wholesaler, sila ang trader, sila ang retailers at sila rin namimili ng lokal na palay ng ating mga magsasaka. So, kayang-kaya talaga nilang imanipula at iilan ang magsasabwatan,’’ dagdag pa ni Rep. Briones.

Hindi rin nito inaalis ang posibilidad na ang umano’y sabwatan din ng mga importer at taga-DA lalo na sa pagbibigay ng mga import permit.

‘‘DA ‘yan kaya ang tutukan namin diyan ay siyempre unang-una ‘yung nag-iisyu ng SPSIC na ang ibig sabihin niyan ay sa Sanitary at Phytosanitary Import Clearance ‘yan ang kinukuha sa Bureau of Plant Industry ay mukhang walang due diligence, ‘yung criteria nila ng accreditation ay isipin mo P1 million ang capital ng kompanya tapos ang i-importin mo ay nakakaabot ka ng 5 billion sa loob ng isang tao,’’ ayon pa kay Briones.

Ang rice retailer na si Ariel Barrientos ay dismayado dahil tanging mayayaman lang ang nagmamanipula sa presyo ng bigas sa bansa.

‘‘May nagbabago sa presyo ng bigas kaya kapag pagdating sa amin ay mataas pa rin hindi namin ma-adjust. Siguro sa puno pa lang ay, ay mayroon nang nagmamanipula kaya medyo mataas pa rin ang bagsak sa amin,’’ pahayag naman ni Ariel Barrientos, Rice Retailer.

Higit P13-B pondo ng gobyerno para sa mga magsasaka, nawala dahil sa patuloy na implementasyon ng EO 62—agri group

Bukod pa diyan, sinabi rin ng grupong Federation of Free Farmers (FFF) na pumapalo na sa higit 13 bilyon ang nawawala na pondo ng gobyerno para sa mga magsasaka dahil sa Executive Order 62 ni Marcos Jr.

Useless aniya ang naturang EO dahil hindi naman naramdaman ng mga mamimili ang mababang presyo ng bigas.

‘‘Yung P13 billion na ‘yan na natipid ng mga importer dahil sa mas maliit na buwis ‘yung binabayaran nila ay hindi naman pinamamahagi o shini-share sa mga consumer ng bigas. So, halos insignificant ang pagbaba ng bigas sa palengke pero ang laki-laki naman ng tinipid o kinita ng mga importer. Iilang kompanya lang ‘yang kumikita ng karagdagang P13 billion plus,’’ ayon kay Leonardo Montemayor, Chairman, FFF.

Aniya, hanggang kailan pa titiisin ng mga consumer ang walang tigil na paggalaw sa presyo ng bigas na malayo sa ipinangako noon ni Marcos Jr. na bente pesos kada kilo ng bigas.

Kaya naman panawagan ng grupo—ibalik sa dating 35% ang taripa sa mga imported agricultural products na makatutulong sa mga magsasaka.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble